^

Police Metro

M7.8 lindol sa Mindanao: 32 patay, 12 missing

Joy Cantos - Pang-masa
M7.8 lindol sa Mindanao: 32 patay, 12 missing
Isa lang ang gusali na ito sa General Santos City ang bumagsak dulot ng epekto ng magnitude 7.8 lindol kahapon ng umaga na ikinasawi ng 19 katao na posible pang madagdagan.
PIA SarGen (Sarangani-General Santos City) via Facebook

MANILA, Philippines — Umabot na sa 32 katao ang nasawi habang 12 ang pinaghahanap at nasa 134 ang nasugatan kasunod nang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani na nakaapekto rin sa iba pang bahagi ng Mindanao region nitong Lunes.

Ito ang natanggap na ulat ni Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Junie Castillo bagama’t patuloy pa rin ang beripikasyon at balidasyon ng kanilang ­Management of the Dead and Missing Cluster.

Sa kabuuang bilang ng mga nasawi,16 ang naitala sa Soccsksargen Region habang tatlo naman ang mula sa Davao Region.

Sa Soccsksargen,10 sa mga nasawi ay mula sa General Santos City, 13 sa Glan, dalawa sa Tupi, at 4 sa Malapatan, Sarangani.

Ayon kay Castillo, ilan sa mga biktima ang nasawi dahil nabagsakan ng mga istruktura, natumbahan ng debris, at pagguho ng lupa.

Tinatayang nasa 10,000 pamilya mula sa Sarangani at Sultan Kudarat ang inilikas bilang pag-iingat habang mahigit 700 pamilya ang naapektuhan nang malakas na lindol.

Sa ulat, alas-7:37 ng umaga nang lumindol na matinding nakaapekto sa ­General Santos City, gayundin sa mga kanugnog na lugar at iba pang bahagi ng Region XII.

Base sa report ng Phivolcs ang malakas na lindol ay bunga ng paggalaw ng Cotabato trench kung saan nahati ang fault line sa Celebes Sea at tumawid sa timog kanluran ng baybayin ng Mindanao kaya nagtaas ng tsunami alert.

Kinumpirma ng opis­yal ang pagtatamo ng pinsala ng General Santos International Airport habang nasira naman ang communication towers ng lungsod at iba pang mga pasilidad sa lalawigan ng Sarangani na nagtamo ng mga bitak ang gusali.

Sinabi ng opisyal na nagsasagawa sila ng beripikasyon sa pagtaas ng tubig sa karagatan sa ilang mga apektadong lugar at nasa 100 aftershocks na rin ang naitala matapos ang pagtama ng malakas na lindol.

Nag-deploy na ang Phi­lippine National Police (PNP) ng 390 search and rescue personnel at 23 mobile units upang suportahan ang emergency operations habang karagdagan namang 100 personnel ang itinalaga upang magbantay sa mga pangunahing instalasyon at nasa 150 personnel naman ang standby para sa posibleng deployment.

Kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ay ang Regions 12, 11, at 9 gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Isinailalim din sa full alert status ang mga ­pangunahing ahensiya ng gobyerno partikular na ang national Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang ang iba pang nasa response cluster ay heightened alert naman para sa koordinasyon at aksiyong pang-emergency. — Angie dela Cruz, John Unson, Doris Franche-Borja

 

EARTHQUAKE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with