Casimero umiskor ng KO win kay Nery

MANILA, Philippines — Pinabagsak ni dating Pinoy world champion Johnriel Casimero si Luis Nery ng Mexico sa fourth round sa kanilang 10-round, non-title featherweight fight kahapon sa Aichi Tokoname, Aichi Sky Expo sa Nagoya, Japan.
Isang matulis na left hook ang pinadapo ni Casimero sa ulo ni Nery sa nasabing yugto na nagresulta sa pagpapahinto ni referee Nobuto Ikehara sa nasabing laban sa huling 2:18 minuto.
Pinaganda ng tinaguriang ‘Quadro Alas’ ang kanyang win-loss-draw ring record sa 36-5-1 tampok ang 25 knockouts.
Ito ang ikatlong panalo ng 37-anyos na si Casimero sa huli niyang limang laban.
Nalasap naman ng 31-anyos na si Nery ang kanyang ikalawang talo sa huling apat na pagsalang para sa kabuuang 37-3 (28 KOs) card.
Kasama rito ang kanyang six-round TKO loss kay two-time world undisputed champion Naoya Inoue ng Japan.
Kaagad umusok ang mga kamao ni Casimero sa first round kung saan niya tatlong beses pinatumba si Nery.
Kitang-kita ang kahinaan ng Mexican na kinailangang makuha ang 124-pound catchweight na pinagkasunduan nila ni Casimero.
Pinabagsak din ni Casimero si Nery sa second at third rounds bago ito tapusin sa fourth round.
Ang panalo ng dating three-time world champion na si Casimero ang nagbigay sa kanya ng pag-asa para sa isang world featherweight fight.
- Latest





















