Magkaibigan, nalunod sa pangingisda

MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang dalawang magkaibigan matapos na mauwi sa trahedya ang pamimingwit ng mga ito ng isda sa Pey-og River sa Kapangan, Benguet, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Mehares Talibio, 47-anyos at Tamar Clifford Maik, 29; pawang mga residente sa Brgy. Boklaoan, Kapangan ng lalawigang ito.
Sa ulat ng Benguet Police, sina Talibio at Maik ay nagpaalam sa kanilang pamilya na mamimingwit ng isda sa ilog, pero nabigong umuwi ng kanilang tahanan kamakailan.
Dahil dito ay sinimulan na ng pamilya ng mga biktima na galugarin ang ilog sa pagbabakasakaling matagpuan ang dalawang magkaibigan.
Samantalang ipinagtanong din ng kanilang mga pamilya kung napagawi sa kanilang mga tahanan ang magkaibigan, pero sinabing hindi na nila nakita ang mga ito.
Ayon sa imbestigasyon, muling nagbalik sa ilog ang pamilya at mga kaibigan ng mga biktima at dito’y natagpuan na ang mga ito na nakalutang sa tubig na bahagyang natatakpan ng mga natuyong dahon.
Pinaniniwalaan namang nalunod ang magkaibigan habang nangingisda na siyang naging dahilan ng kamatayan ng mga ito.
- Latest


















