Warrant of arrest vs Jinggoy, inilabas

Kusang sumuko
MANILA, Philippines — Naglabas na ang Sandiganbayan Fifth Division ng warrant of arrest laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y P573 milyong kickbacks mula sa mga flood control projects noong 2025.
Ang warrant ay inilabas ilang araw matapos magpiyansa si Estrada sa hiwalay na kasong graft, kung saan nagpiyansa siya ng P90,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ayon sa ulat, ang kasong plunder ay non-bailable at maaaring humantong sa pagkakakulong ng habang-buhay kung mapatunayang guilty ang senador.
Kasama ni Estrada sa mga inisyuhan ng warrant of arrest ay sina dating DPWH secretary Manuel Bonoan, DPWH NCR Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, DPWH NCR District Engineer Manny Bumagat Bulusan, at DPWH NCR District Engineer Arturo Lombres Gonzales, Jr.
Kusa naman itong sumuko sa Criminal Investigation Detection Group (CIDG) na nagtungo kahapon sa Senado upang arestuhin siya.
Bago sumuko ay humarap sa media si Estrada at ibinunyag niya na maraming beses siyang inalok para talikuran ang ‘independent majority bloc’ kapalit ang pagbasura sa kanyang kaso pero hindi niya ito tinanggap.
“Ngayon ko lang ito isasapubliko ito: Maraming beses akong inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ang pagbabasura sa aking kaso, ngunit hindi ko ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ako na manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” ani Estrada.
Pero, hindi pinangalanan ni Estrada ang mga diumano’y nag-alok sa kanya.
“Kung sino sila, abangan n’yo na lang ang susunod na kabanata,” ani Estrada.
Nauna rito, sinabi niyang mananatili siya sa majority bloc sa ilalim ng liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano.
“I am giving instructions to the Senate Secretary to put my salary on hold. Personal kong pasya ito upang ipakita sa sambayanang Pilipino na wala akong intensiyong makinabang sa pondo ng bayan habang nililinis ko ang aking pangalan,” ani Estrada.
Sinabi rin ni Estrada hindi siya magpapasailalim sa kustodiya ng Senado.
Muling binanggit ni Estrada ang sinabi ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na wala siyang anumang dokumento o record na nagpapakita ng anumang insertion sa 2025 national budget.
- Latest

















