Lola binaril, todas sa alitan ng mangga

MANILA, Philippines — Dahil lamang sa alitan sa pamimitas ng bunga ng mangga, patay ang isang 68-anyos na lola matapos na pagbabaril ng kapitbahay nito sa Brgy, Buenavista, Santa Maria, Isabela nitong Biyernes.
Kinilala ang biktima sa pangalang Nerissa na dead-on-the-spot matapos masapol ng tama ng bala sa dibdib.
Ang suspect ay kinilala naman sa pangalang Mario, 51 taong gulang na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa ulat ng Isabela Police, kinompronta ng suspect ang matanda at dalawa nitong kasama dahil sa pamimitas nila ng bunga ng mangga sa kaniyang taniman.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng lola at suspect kung saan ikinatwiran ng matanda na hitik na hitik ang bunga ng mangga at natakam lamang sila kaya naengganyong mamitas.
Lalong nairita ang suspek kaya biglang pinaputukan ng baril ang matanda na tinamaan ng bala sa dibdib bunsod upang duguang bumulagta.
Lumalabas na ang biktima at suspect ay matagal nang may alitan sa hangganan ng kanilang lupain.
Sa follow-up operation ng pulisya, nasakote ang suspect sa Brgy. Buenavista na nakumpiskahan ng cal 9 mm pistol.
- Latest















