PBA finals itatakda ng Ginebra at TNT

MANILA, Philippines — Panibagong pahina sa kanilang karibalan ang nais buksan ng reigning champion Talk ‘N Text at Barangay Ginebra sa tangkang pagpasok sa finals sa panapos na Game 6 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup semifinals ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Parehong may tangan na 3-2 karta ang Tropang 5G at Gin Kings kaya kung magwawagi uli ngayon ay aabante na sa best-of-seven finals.
May tsansa dito ang Ginebra kontra sa Rain or Shine sa alas-5:15 ng hapon bago ang kaparehang misyon ng TNT kontra sa Meralco sa alas-7:30 ng gabi.
Matatandaang Ginebra at TNT ang nagharap sa 2 finals ng 2 conferences nitong nakaraang season na parehong pinagwagian ng TNT.
At nakalapit sa panibagong duwelo sa kampeonato ang 2 matapos ang 111-104 panalo ng Gin Kings kontra sa Elasto Painters at 103-95 tagumpay ng Tropang 5G kontra sa Bolts sa Game 5 kamakalawa.
Subalit ayaw pa rin pa-kampante lalo ni coach Tim Cone na ilang beses nang nalustay ang 3-2 bentahe tungo sa kabiguan sa Game 7.
“We’re not going to be happy with this win. We’ve been in this situation before. We led 3-2 and then got beat. Once by San Miguel, once by TNT,” ani Cone na inaasahan ang matinding balikwas ng Elasto Painters.
“It’s too easy to get euphoric with the 3-2 lead. We’re not. A lot of things went our way tonight which is great, we’re fortunate, but we have to move on,” dagdag ni Cone.
Muling sasandigan ng TNT si import Chris McCullough matapos pumukol ng 42 puntos sa Game 5.
Makakatulong ni McCullough sina Calvin Oftana, Jordan Heading, Roger Pogoy, Brandon Ganuelas-Rosser, Jayson Castro at Rey Nambatac.
Haharang sa kanilang daan sina Patrick Gardner na siyang pambatong reinforcement ng Bolts kasama sina Chris Newsome, Chris Banchero, Aaron Black, Bong Quinto, Javee Mocon, Cliff Hodge at CJ Cansino.
- Latest





















