TNT nangangamoy finals laro bukas

MANILA, Philippines — Inilapit ng nagdedepensang TNT Tropang 5G ang sarili para sa tiket sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals.
Ito ay matapos putulin ng Tropang 5G ang linya ng Meralco Bolts, 103-95, sa Game Five para kunin ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven semifinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Iniskor ni balik-import Chris McCullough ang 29 sa kanyang game-high 42 points sa second half para ibangon ang TNT mula sa 90-101 kabiguan sa Meralco sa Game Four.
Maaari nang isara ng Tropang 5G ang kanilang serye ng Bolts sa Game Six bukas para sumampa sa ika-27 finals appearance target ang pang-12 korona.
“Hopefully, this is the start. We still had some a few turnovers to work on, but like Chris said, there’s one more game and the job is not over,” ani TNT coach Chot Reyes.
Nagdagdag si Fil-Aussie Jordan Heading ng 22 points at may 16 at 12 markers sina Roger Pogoy at Calvin Oftana, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni 7-foot American-Egyptian Patrick Gardner ang Meralco sa kanyang 25 points at 12 rebounds habang may tig-12 markers sina Cliff Hodge at Chris Banchero.
Ang drive ni Oftana ang nagbigay sa Tropang 5G ng 83-78 abante sa fourth quarter bago kumamada si Gardner para itabla ang Bolts sa 83-83 sa 7:51 minuto nito.
Isang 11-2 atake ang ginawa ng TNT matapos maupo si Gardner dahil sa kanyang pang-limang foul para iwanan ang Meralco sa 94-85 sa 5:22 minuto ng laro.
Huling naghamon ang Bolts sa 93-98 mula sa dalawang free throws ni Hodge kasunod ang three-point shot at drive ni Heading para sa 103-93 lead ng Tropang 5G sa huling 1:32 minuto sa final canto.
At mula rito ay hindi na nakadikit ang Meralco na dumiskaril sa asam nilang back-to-back wins sa TNT.
Inaasahang babangon ang Bolts laban sa Tropang 5G sa krusyal na laro bukas sa Ynares Center sa Antipolo City para makapuwersa ng Game Seven sa Miyerkules.
Hangad ng Meralco ang ikaanim nilang finals stint para sa asam na ikalawang titulo matapos maghari sa 2024 PBA Philippine Cup.
- Latest























