4 teams riot para sa semis slot

MANILA, Philippines — Magrarambulan ang apat na koponan sa do-or-die Game 3 ng quarterfinals para sa natitirang 2 upuan sa Final Four ng kaabang-abang na 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Unang maglalaglagan ang No. 3 seed na Converge at No. 6 seed na Rain or Shine sa alas-5 ng hapon bago ang sabong ng magkaribal na Ginebra, No. 4 seed, at Meralco na No. 5 seed sa alas-7:30 ng gabi.
Sinumang lulusot sa FiberXers at Elasto Painters ay makakaharap ang No. 2 seed na Talk ‘N Text habang nag-aabang naman ang top-ranked na NorthPort sa magwawagi sa pagitan ng Gin Kings at Bolts.
Armado ng twice-to-beat advantages bilang higher seeds, nauna na sa Final Four ang Batang Pier at Tropang Giga matapos ang 113-110 at 109-93 panalo kontra sa No. 8 seed na Magnolia at No. 7 seed na Hong Kong Eastern, ayon sa pagkakasunod.
Nagkaroon ng pag-asang makasunod agad ang Ginebra at Converge matapos ang kanilang mga panalo sa Game 1 ng best-of-three quarterfinal series subalit nakatanggap ng balikwas mula sa Meralco at Rain or Shine.
Sa pangunguna ni Chris Newsome ay umeskapo ang Meralco ni coach Luigi Trillo sakay ng 108-104 tagumpay sa Game 2 upang maiganti ang 100-92 kabiguan nila sa Game 1.
Aasa si Newsome ng tuluy-tuloy na tulong mula sa import na si Akil Mitchell kasama sina Chris Banchero, Cliff Hodge, Bong Quinto, Jansen Rios at Aaron Black upang maulit ang tagumpay sa winner-take-all Game 3.
Haharang naman sa kanilang daan sina Justin Brownlee, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, RJ Abarrientos, Troy Rosario, Stephen Holt at Maverick Ahanmisi para sa mga bataan ni coach Tim Cone.
Gaya ng Meralco, nanatiling nasa kontensyon ang Rain or Shine matapos ang 114-104 panalo sa Game 2 upang maibawi ang 130-118 kabiguan sa Game 1 sa trangko ng rising star na si Adrian Nocum.
- Latest