Top 8 ‘most wanted’ sa Nueva Ecija nalambat
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng batas ang isang 42-anyos na lalaki na nakatalang top 8 most wanted person (MWP) sa Nueva Ecija makaraang makorner ng mga pulis sa Barangay Gomez, bayan ng Sta. Rosa, noong Lunes ng hapon.
Kinilala ni P/Col. Ferdinand Germino, acting provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), ang naaresto na si Michael Reguyal Moga, miyembro umano ng Azarcon criminal group at nakatala rin bilang top 2 MWP sa bayan ng Sta. Rosa.
Nabatid na bandang ala-1:50 ng hapon kamakalawa, naaresto ang suspek ng pinagsanib na puwersa ng intel and warrant section ng Sta. Rosa Police station, kasama ng mga elemento ng PIU/PPDEU ng NEPPO, at ng 303rd MC-RMFB3, matapos ihain ang warrant of arrest na inilabas noong October 12, 2023 ng presiding judge ng Third Judicial Region, Branch 25 Cabanatuan City, dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
- Latest