Alice Guo: ‘Di ako mastermind, victim ako
MANILA, Philippines — Iginiit ni dismissed Bamban mayor Alice Guo na hindi siya ang mastermind ng sinalakay na ilegal na Philippine Offshore and Gaming Operators (Pogo) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga dahil isa siyang biktima.
Bago matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros tungkol sa mga ilegal na POGO, direktang tinanong ni Sen. JV Ejercito kung si Guo ang mastermind.
“Ikaw ba ay mastermind or willing ka bang magsabi kung sino ang nasa likod ng whole operation na ito (Pogo)?” tanong ni Ejercito.
“Hindi po ako mastermind. Masasabi ko po, isa po akong victim,” ani Guo.
Sa tanong kung ginagamit siya ng sindikato, sinabi ni Guo na hindi naman siya ginagamit pero animado na mayroon siyang naitulong.
Sinabi pa ni Guo na matulungin siyang tao pero wala siyang kinalaman sa mga ginagawa o alegasyon laban sa mga nasa likod ng POGO.
Binanggit din ni Guo na hindi siya “guilty” at sa tagal aniya ng imbestigasyon na umabot na sa 14 na pagdinig ay tiyak na alam na ng komite kung sino ang nasa likod ng mga ilegal na POGO.
Samantala, pinagbigyan ng komite ang kahilingan ni Guo na magkaroon ng executive session upang doon niya sagutin ang mga tanong na hindi niya masagot sa public hearing.
Matatandaan na sinabi ni Guo na may mga nagbabanta sa kanyang buhay.
- Latest