Si Felipe Natano lalong kilala sa alias na Mang Pandoy ay isang magandang halimbawa kung paano pinabayaan ang mga mahihirap. Si Mang Pandoy ay naging kawawa makaraang gamitin ng mga pulitiko noong 1992 sa pansariling interes. Pagkaraan nang maraming taon, mahirap pa rin si Mang Pandoy. Lubog sa utang, kapos sa mga pangunahing pangangailangan, at balik sa dating tirahan sa may tambakan ng basura sa Payatas. Isang magandang halimbawa si Mang Pandoy na makaraang gamitin ng mga ganid na pulitiko ay iniwan din sa kangkungan at mas masahol pa.
Ngayon ay marami ang nangangamba na ang sinapit ni Mang Pandoy ay maaaring sapitin din ng tatlong batang sina Jayson Vann Banogan, 10; Jomar Pabalan, 10; at Erwin Dolera, 8. Marami ang natatakot na ang nangyari kay Mang Pandoy ay sapitin din ng tatlo. Gagamitin din ang mga bata sa pamumulitika. Ang tatlong bata ang ginawang simbolo ni President Gloria Macapagal-Arroyo nang magsalita sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong July 23. Sumulat sa papel ang tatlong bata na naka-address kay GMA. Ginawa nilang bangkang papel at saka pinaanod sa Ilog Pasig na nakarating naman sa Malacañang. Nabasa ni GMA ang kanilang mga sinulat. Iyon ang naging laman ng SONA ni GMA. Trabaho, edukasyon at sariling tahanan. Idagdag pa ang pagkain sa bawat mesa.
Hindi naman umano matutulad ang tatlong bata sa sinapit ni Mang Pandoy ayon kay GMA. Sa katunayan, ipinahahanap na ni GMA si Mang Pandoy at nakahanda na rin itong tulungan. Si Mang Pandoy ay binigyan noon ng pagkakakitaan ni dating President Fidel Ramos at House Speaker Jose de Venecia. Subalit panandalian lamang iyon at pagkaraan lamang ng ilang taon ay balik uli sa kahirapan ang matanda. Nang maging Presidente si Joseph Estrada ay lalo nang dumami ang katulad ni Mang Pandoy. Walang pagbabago sa buhay.
Ngayo’y nakatuon ang pansin sa tatlong batang pinangakuan ni GMA. Sila ang bagong simbolo ng mga kawawang mahihirap na nakasakay sa "bangkang papel" na anumang oras ay maaaring lumubog. Hindi man makita ni GMA si Mang Pandoy na dati nang pinangakuan, marami pang nangangailangan ng tulong. Ang pagkilos at pagtupad sa ipinangako ang inaasahan ngayon ng taumbayan. Ayaw nang mabigo ng mamamayan sa pagkakataong ito. Matinding reporma at may direksiyong pamumuno ang kailangan upang matupad ang mga ninanais sa bansang ito.