Marcos: Pasensya na sa abalang dulot ng ASEAN

MANILA, Philippines — Humingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mamamayan sa posibleng abalang maidudulot ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit and Related Summits sa bansa sa mga susunod na araw.
Sa kanyang vlog, sinabi ng Pangulo na bagama’t may kaakibat na abala, pansamantala lamang ito dahil mas malaki naman ang benepisyong maibibigay nito sa bansa sa pamamagitan ng mga kasunduang mabubuo at mga trabahong malilikha nito.
Tapos na rin aniya ang mga paghahanda at naging masusi ang preparasyon kaya tiyak na bibida ang galing at pagiging malikhain ng Pilipino.
Ayon kay Marcos, isang napakalaking karangalan para sa Pilipinas ang maging host ng ASEAN Summit dahil magandang pagkakataon ito upang maipakita sa Southeast Asia at sa buong mundo ang kagandahan ng bansa at ka-kayahan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin din ng Pangulong ang kahalagahan ng ugnayan ng Pilipinas sa ASEAN lalo na sa kalakalan, seguridad, at proteksiyon sa kapakanan ng mamamayan, OFW, negosyante, at turista.
Dagdag pa niya, higit pa sa benepisyo ng visa-free travel ang naidudulot ng matibay na samahan ng mga bansang kasapi ng ASEAN lalo na sa pagharap sa mga hamon tulad ng pagtaas ng presyo ng langis, usaping pangseguridad at banta ng El Niño.
“Kaya napakahalaga na magkaisa kami at makahanap kami ng mga plano at solusyon para matugunan ‘yang mga problemang ‘yan”, giit pa ni Pangulong Marcos.
- Latest

















