Win No. 3 hahatawin ng Akari
MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na ratsada ang gagawin ng Akari sa pagsagupa sa Galeries Tower sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference Siklab leg sa Smart Araneta Coliseum.
Magtutuos ang Chargers at Highrisers ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang banggaan ng Nxled Chameleons at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6 ng gabi.
Solo ng Creamline ang liderato tangan ang 4-0 record kasunod ang Nxled (3-0), Choco Mucho (3-1), Akari (2-2), PLDT (2-2), Farm Fresh (2-2), Capital1 Solar Energy (2-3), ZUS Coffee (0-4) at Galeries Tower (0-4).
Matapos matalo sa Cool Smashers at Solar Spikers ay magkasunod na pinadapa ng Chargers ang High Speed Hitters at Foxies.
Isa si Eli Soyud sa bumabandera sa tropa ni coach Tina Salak.
“Mahirap bumangon kapag sunud-sunod ‘yung talo. So talagang tiya-tiyagain namin, especially sa training,” sabi ng veteran opposite spiker. “Doon talaga ‘yung magsimula, kung paano kami mag-prep, kung paano ‘yung magiging game plan namin pag-abot sa game.”
Muling makakatuwang ni Soyud sina Ivy Lacsina, Fifi Sharma, Grethcel Soltones, Ced Domingo, Faith Nisperos, setter Mars Alba at libero Justine Jazareno.
Talo naman ang Highrisers sa Foxies, Cool Smashers, Chameleons at Flying Titans.
Sina Jean Asis, Erika Deloria, Shola Alvarez, Aiza Maizo-Pontillas, Lycha Ebon, Roselle Baliton, rookie setter Lams Lamina at libero Baby Love Barbon ang aasahan ng Galeries Tower.
- Latest



















