Jane Oineza, mang-aakit

Bibida sa vertical serye ang Kapamilya actress na si Jane Oineza bilang sunud-sunurang asawa na matutuklasan ang kanyang itinatagong alindog para maghiganti sa mister niyang taksil sa bagong iWant affair drama na The Perfect Wife, na mapapanood simula Oktubre 30 (Biyernes).
Bukod sa pagtataksil at paghihiganti, iikot din ang vertical serye sa tema ng women empowerment na ipapakita sa pagbabago ng karakter ni Jane na makikita ang kanyang tunay na halagang higit sa pagiging simpleng maybahay.
Sa produksyon ng JRB Creative Production, sesentro ang serye kay Jem (Jane) na isinakripisyo ang kanyang matagumpay na karera para maging butihing asawa ni Aries (Rafael Rosell). Ngunit matutuklasan niya ang pagtataksil ni Aries nang malamang kalaguyo niya ang socialite na si Rafaela (Aya Fernandez).
Dahil dito ay nagpasya siyang baguhin ang kanyang sarili para mahalin muli ni Aries. Dito niya makikilala si Diane (Tootsy Angara), isang separada na makikisimpatiya sa kanyang pinagdaraanan, kaya naman magsisilbi siyang fairy godmother niya na magiging susi sa pagtuklas muli ng kanyang alindog at tutulong sa paglantad ng kataksilan ng kanyang asawa.
Ang The Perfect Wife ang pinakabagong vertical affair drama serye ng iWant magmula nang ipalabas nitong taon ang Twist of Fate, na pinagbidahan din ni Rafael kasama sina Yen Santos, Angelica Lao at Tony Labrusca.
Panoorin ang bigating glow-up ni Jane bilang The Perfect Wife na mapapanood ang lahat ng episodes nito simula Oktubre 30 sa iWant.
- Latest



















