Marcos, balik-Pinas na mula Singapore
MANILA, Philippines — Matapos ang limang araw na working visit sa Singapore ay bumalik na Maynila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong madaling-araw ng Lunes.
Sa nasabing working visit, binigyang-diin ng Pangulo ang pangunahing naging resulta ng kanyang pagbisita partikular ang mga investment plan at pagpapalawak ng oportunidad sa kalakalan.
Bumaba sa Villamor Air Base sa Pasay City ala-1:54 ng madaling-araw ng Lunes ang eroplanong lulan ang delegasyon ng Pilipinas.
Sa kanyang arrival statement, binanggit ni Marcos ang mga naging pagpupulong niya sa mga opisyal ng FedEx, Mitsubishi Corporation, at Vena Energy, na aniya ay maaaring maghatid ng mga pamumuhunan at iba pang oportunidad pang-ekonomiya sa bansa.
Sinabi ni Marcos na ang pagpupulong sa FedEx ay nagbigay-diin sa pagpapalawak ng FedEx bilang Clark Gateway Hub sa Pampanga, na nakatakdang magbukas sa ikaapat na quarter ng 2028.
Malaki aniya ang itataas ng kapasidad ng pinalawak na hub para sa international air freight at specialized cargo, na makatutulong sa micro, small, and medium enterprises na maabot ang mga pandaigdigang merkado.
Ibinida rin ng Pangulo ang nakatakdang pamumuhunan ng Mitsubishi Corporation ng $700 milyon sa Ayala Corporation, na ayon kay Marcos ay magiging isa sa pinakamalalaking foreign equity investment sa Pilipinas nitong mga nakaraang taon.
Sa kanyang pagbisita sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute, sinabi ni Marcos na nalaman niya ang tungkol sa mga ginagawa ng Singapore sa nuclear research, technology, at safety habang pinag-aaralan ng Pilipinas ang mga opsyon para sa pangmatagalang seguridad sa enerhiya.
- Latest















