Bago ka mag-resign sa trabaho
“SIR, ayoko na po. Magre-resign na talaga ako.” Halos mangiyak-ngiyak na sabi ng empleyado sa kanyang manager. Pitong taon na raw siyang nagtitiis, laging napapagalitan, hindi napapansin ang kanyang sipag, at kapag may problema, siya agad ang nasisisi. Sa halip na pigilan siya, ngumiti ang manager.
“Kung ganoon, huwag ka munang mag-resign. Bigyan mo ang sarili mo ng isang buwan. Pumasok ka araw-araw na parang huli mo na. Gawin mo ang trabaho mo nang buong husay, tumulong sa iba, huwag makipagtalo at huwag magreklamo. Huwag mong isipin kung mapapansin ka.”
“Bakit po?”
“Hindi para sa kanila. Para sa sarili mo. Para kapag umalis ka, wala kang galit at pagsisisi.”
Sinunod niya ang payo. Sa loob ng isang buwan ay nagbago ang kanyang pakikitungo. Hindi na siya nakikisawsaw sa reklamo. Tumulong siya sa mga kasamahan at mas pinagtuunan ng pansin ang paglutas ng problema kaysa paghahanap ng masisisi. Hindi na niya iniisip kung mapupuri siya kundi matapos ang trabaho nang maayos. Unti-unti, may napansin siya: hindi naman pala lahat ng officemates ay laban sa kanya. Feeling lang pala niya iyon. May mga humahanga sa kanyang sipag at may mga taong natututo rin sa kanya. Pagkaraan ng isang buwan, tinanong siya ng manager, “Handa ka na bang mag-resign?” Ngumiti siya.
“Hindi na po.”
“Bakit?”
“Akala ko po, ang problema ay ang trabaho. ‘Yun pala, ang kinikimkim kong hinanakit at pagiging emosyunal ang problema.”
Minsan, hindi naman kailangang magbago agad ng lugar. Baka ang kailangan lang natin ay bagong pananaw sa buhay.
- Latest















