Mark, hindi malalait ang pinag-aralan!

Maraming ginagampanang papel si Mark Lapid—bilang head ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (Tieza), anak ng actor / senator Lito Lapid, isang ama at aktor.
Pero lahat nang yun ay nagagawa niyang gampanan.
Una, bilang chief operating officer at vice chairperson ng Tieza, isang ahensiyang nakakabit sa Department of Tourism.
Well, hindi madali ang trabaho niya sa Tieza bilang isang attached agency ng DOT kung saan hawak nila ang infrastructure at pamumuhunan sa turismo, na nagbibigay ng incentives sa tax para sa mga qualified tourism business.
Kabilang din sa isyung nakakabit sa Tieza ay ang travel tax, na naging malaking isyu sa mga Pinoy tourist.
Ipinaliwanag niya na ang bayarin ay hindi lamang basta sinisingil na umano’y direktang napupunta sa mga programa sa tourism. At ang nalilikom umano mula rito ay sumusuporta sa edukasyon at iba pang programa ng gobyerno, kabilang nga ang mga scholarship at tulong para sa mga state university at local colleges.
Idiniin niya na hindi lang talaga ito para sa turismo. Napupunta rin daw ito sa mga scholarship sa pamamagitan ng CHED. Mayroon din umanong mga academic institution na tumatanggap ng suporta para sa mga programa.
At kinikilala ni Mark na ang mismong salitang “tax” (buwis) ay pwedeng maging dahilan upang hindi maging popular ang nasabing paniningil, lalo na kung hindi agad nakikita ng mga bumibiyahe kung paano ginagamit ang pera.
Naniniwala lang siya na may negatibong perception kapag binabanggit ang salitang tax dahil ayaw ng lahat sa buwis. Pero isa raw talaga ito sa mga buwis na pinakikinabangan ng mga tao.
At ang nasabing posisyon at pagiging anak ni Sen. Lito ang nagbibigay ng meaning o impression na dahil dala niya ang apelyidong pamilyar sa mga botante at mga manonood ng pelikula pwede na siyang sumunod sa kapalaran ng kanyang ama.
Pero wala pa raw ‘yun sa plano niya sa kasalukuyan.
At ang rebelasyon niya, ang pinaka-importanteng aral na natutunan niya sa kanyang amang actor / politician ay ang edukasyon at ang pangangailangang magpakita ng resulta sa halip na umasa lamang sa mga pangako.
Ito ay sa kabila nang mga panlilibak sa kanyang ama na walang ambag sa mga nagaganap dahil hindi nasasalita.
But anyway, tinupad niya at nakamit niya ang kanyang doctorate degree noong 2024 at aniya nananatiling mahalagang bahagi ng kanilang pamilya ang edukasyon.
“Palaging mahalaga ang edukasyon sa aming pamilya. Hanggang ngayon, sa kabila ng lahat ng kanyang mga nakamit, pinupuna pa rin siya dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral nang pormal noong siya ay bata pa; kaya naman para sa amin, naging napakahalaga ng edukasyon,” say ng actor na isa sa BFF ni Coco Martin.
Bagaman bukas pa rin si Mark sa ideya ng public service, sinabi niyang wala pa siyang plano na tumakbo sa darating na election. “Maraming paraan upang makatulong at makapagbigay ng positibong epekto nang hindi kinakailangang may sa pwesto. Depende ito sa kung ano ang ibinibigay ng Diyos at sa mga oportunidad na dumarating sa iyo. Hindi mo kailangang maging isang elected official para makatulong,” diin niya.
Anyway, sa kasalukuyan bilang isang actor, partikular na nakatuon siya sa mga taong nagtatrabaho behind the camera at sa mga taong madalas na hindi gaanong nakikita ng mga manonood.
“Ang aking adbokasiya ay lalo na para sa kapakanan ng lahat ng manggagawa sa ating industriya, partikular na ang mga utility personnel, crew, at iba pang taong nagtatrabaho sa likod ng kamera. Isa iyon sa aking mga prayoridad dahil mahalagang bahagi sila ng pagsasakatuparan ng bawat produksyon,” sabi pa ni Mark na natsitsismis na kakandidating senador.
- Latest




















