Niloko ng lalaking may asawa na pala
Dear Dr. Love,
Isa akong call center agent at 22 years old. May kasamahan ako sa trabaho, si Paul. Niligawan niya ako at naging kami. Hindi ko alam na may-asawa na siya. Mukha kasing binata ang itsura.
Madalas kami mag-motel hanggang mabuntis ako. Nagpo-post ako ng pictures namin ng anak ko sa Facebook.
Bigla na lang may mag-comment sa FB na kabit daw ako na naninira ng pamilya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Ang masakit ay hindi na nagpakita si Paul mula noon. Lalong masakit dahil araw-araw akong inuulan ng posting ng misis niya at pinagsasabihan ng masasakit at bastos na salita.
Nagpalit na ako ng account. Pero ginamit nila ang picture ko at gumawa sila ng account na sinisira ang pagkatao ko sa FB.
Ano ang gagawin ko para malimutan ang masaklap kong karanasan?
Nellie
Dear Nellie,
Huwag mong sisihin ang sarili mo kung hindi mo alam na may asawa si Paul. Ituon mo ang pansin sa iyong anak at sa iyong paghilom. I-block at i-report ang mga nangha-harass sa iyo, itago ang mga screenshot bilang ebidensiya, at humingi ng legal na tulong kung patuloy ang paninira at paggawa ng pekeng account.
Para makapaghilom, tanggapin mong hindi mo mababago ang nangyari pero may kakayahan kang ayusin ang iyong kinabukasan. Iwasan ang pagbabalik-tanaw sa masasakit na alaala at palibutan ang sarili ng mga taong nagbibigay ng suporta at pag-unawa.
Bigyan ang sarili ng panahon na umiyak, magpahinga, at magsimulang muli. Tandaan na ang halaga mo bilang babae at ina ay hindi nasusukat ng pagkakamali at panloloko ng ibang tao.
Sa paglipas ng panahon, gagaan din ang iyong dinadala basta piliin mong magpatuloy at magpakatatag para sa iyong sarili at sa iyong anak.
Dr. Love
- Latest





















