Eric, may napansin sa mga baguhang artista!

Bilang isang direktor ay napapansin umano ni Eric Quizon sa mga kabataang artista ngayon na nagmamadali sa pagbibitaw ng mga linya.
Kadalasan itong nangyayari kapag nakasalang sa mga eksena ang mga nakababatang aktor. “Parang nagmamadali, sometimes kasi kapag nagmamadali ka, lalo kang nagkakamali. Especially with your lines, totoo. Sometimes it’s better to enunciate, ‘yung pag-deliver mo dapat tama lang. ‘Yon ang napansin ko sa mga bata ngayon. Nagmamadali parati,” nakangiting pahayag sa amin ni Eric sa Fast Talk with Boy Abunda.
May sariling istilo ang aktor at direktor pagdating sa trabaho. “Una sa lahat, kahit sino naman eh. Whether they’re young or beterano, merong mga gustong gawin ‘yan eh. I usually allow my actors to do what they want or suggest what they want. Kasi as an actor, ako gano’n eh. Nagsa-suggest ako, ‘Direk, pwede ko bang gawin ‘to?’ ‘Pwede bang ito ‘yung sabihin ko?’ bago ako mag-adlib, sinasabi ko talaga sa director ko kung ano ‘yung gusto kong gawin.”
“I just block them. May mga direktor na gano’n eh. Like the great Ishmael Bernal, or si Peque (Gallaga) or si Lino Brocka nakatrabaho ko lahat ‘yan. Like Lino, kung ano ang gusto niya, ‘yon. Si Ishmael Bernal naman, ia-acting niya sa iyo. Ipapakita niya kung paano ‘yung eksena. ‘Eric, parang ganyan.’ Then si Peque, nuances naman si Peque. So may kanya-kanya namang istilo eh. I feel so lucky, nakatrabaho ko ‘yung magagaling na direktor. Si Maryo delos Reyes, Gil Portes, I have never worked with Marilou Diaz-Abaya. I’ve worked with Laurice Guillen, halos lahat,” pagdedetalye ni Eric.
Para kay Eric ay responsibilidad ng isang aktor na magampanan nang maayos ang bawat karakter na gagawin. “As an artista, when you do your homework, nagbabasa ka ng script. Nai-imagine mo kasi kung ano ‘yung pwede mong gawin, ‘yung possibilities. There is so countless possibilities na pwede mong gawin sa isang eksena. As an actor makapal ang mukha ko eh. ‘Direk, pwede ko bang gawin ‘to?’ Kapag ayaw, okay. Gagawin ko ‘yung gusto niya,” kwento ng aktor at direktor.
Kabilang ngayon si Eric sa Delivery Boi na pinagbibidahan ni Will Ashley. Mayroong napansin si Eric sa pagganap ni Will. “Medyo tahimik nga siya. However, he delivers naman. Timid, si Will, ang napansin ko sa kanya may underacting. So dinadaan sa mata. So may gano’n siya, which is good. Lalo na ang eksena, kapag underacting ka, maganda ang rehistro no’n (sa screen),” paliwanag niya.
Si Mika Salamanca ang katambal ni Will sa bagong serye ng GMA. Ayon kay Eric ay palaging magkasama ang dalawa kapag walang eksenang gagawin. “Palagi silang magkasama sa tent eh. Basta parati silang magkadikit. ‘Yon ang napansin ko, hindi sila naghihiwalay. Saka si Will parang hindi naka-smile kapag hindi kasama si Mika eh. Pero kapag nandiyan si Mika buhay na buhay eh,” masayang pagbabahagi ni Eric.
(Reports from JCC)
- Latest
























