Brodkaster natagpuang patay sa sasakyan

MANILA, Philippines — Natagpuang patay sa loob ng kaniyang sasakyan ang beterano at multi-awarded na broadcaster na si Sam Costanilla, 68-anyos sa Brgy. Inayawan, Cebu City nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat ng Cebu City Police, ang biktima ay nadiskubreng patay, alas-8:22 ng umaga sa loob ng nakaparadang behikulo nito sa parking area malapit sa annex building ng Inawayan Barangat Hall.
Ang nasabing behikulo na nakunan pa ng CCTV footage sa lugar ay noon pa umanong Biyernes nakaparada matapos na dumating sa lugar si Costanilla para sa kaniyang newscasting program sa DYCM Bag-ong Adlaw radio station na nakabase sa Cebu City.
Nitong Setyembre 27 ng umaga ay napuna ng nagdaraang mga bata ang mabahong amoy na nagmumula sa behikulo at ng silipin nila ito ay nakita ng mga ito na hindi gumagalaw sa driver’s seat si Costanilla.
Kinumpirma naman ng kapatid ni Costanilla na labi ng kapatid na brodkaster ang nasa loob ng naturang behikulo.
Wala namang nakitang foul play ang mga otoridad sa pagkamatay ni Costanilla habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso at hinihintay rin ang resulta ng awtopsiya para madetermina ang sanhi ng ikinasawi ng brodkaster.
- Latest



















