Alas Men walang allowance simula July
MANILA, Philippines — Bago pa man labanan ang South Korea sa pagsisimula ng 20th Asian Games men’s indoor volleyball competition kahapon ay may dinadala nang problema ang mga miyembro ng Alas Pilipinas Men.
Simula kasi noong Hulyo ay wala nang natatanggap na monthly allowance ang mga Pinoy spikers mula sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
“’Yun nga, regarding sa allowance namin, kahit ‘yung ibang players nangungutang na sa other players, or sa mga ibang tao, para makapunta sa training or pauwi sa kanilang mga bahay,” sabi ni Bagunas.
Kaya naman minsan ay hindi nakukumpleto ang Alas Men sa kanilang ensayo para paghandaan ang Aichi-Nagoya Asiad.
“Sobrang tough para sa amin na mag-ensayo, minsan eight or seven, sobrang hirap, sobrang tough,” dagdag ng team captain.
Kapag hindi rin sila umabot sa pagkain sa hotel ay sila na rin mismo ang gumagastos ng kanilang tanghalin at hapunan.
“Yung allowance namin from PSC, other than that sari-sarili na,” ani Bagunas. “Minsan kami na lang ‘yung gumagastos ng lunch namin, hindi na kami umaabot sa meal eh. Kasi ‘yung training namin hindi na umaabot, alanganin sa meal time sa hotel, so ayun kanya-kanya na lang na gastos, out of pocket.”
Umaasa ang dating kamador ng National University Bulldogs sa UAAP na maririnig sila ng mga kinauukulan.
“Sobrang nakakalungkot kasi nagre-represent kami for the country, pero ayun, hindi namin nararamdaman yung suporta na para sa amin,” ani Bagunas.
Yumukod ang Alas Men sa South Korea, 16-25, 25-27, 22-25 sa kanilang unang laro sa Pool D sa Park Arena Komaki sa Aich, Japan.
- Latest





















