DICT: Data breach sa 48 kumpanya iniimbestigahan

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isang posibleng data breach na maaaring nakaapekto sa 48 kumpanyang kabilang sa accreditation program ng ahensiya.
Ayon sa DICT, tinatayang 410 file na may kaugnayan sa 48 kumpanyang kalahok sa DICT Trusted Assessment Provider (DTAP) Program ang posibleng nalantad.
Nakikipag-ugnayan na ang DTAP sa mga lokal na cybersecurity service provider upang suriin at higit pang palakasin ang seguridad ng kanilang mga online system bago muling gawing available ang mga ito sa publiko.
Tinatayang nasa 600 megabytes ang dami ng nakalantad na datos at umaabot sa humigit-kumulang 770 megabytes kapag na-uncompress.
Ayon sa ahensiya, maaaring kabilang sa mga nalantad na file ang mga rekord ng pagpaparehistro ng kumpanya, permit, sertipikasyon, cybersecurity credentials, mga dokumento ng empleyado, at mga ulat ng DICT sa performance assessment ng mga kumpanya.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng National Computer Emergency Response Team (NCERT), na nasa ilalim ng Cybersecurity Bureau ng DICT, ang insidente.
- Latest























