Historic silver ng Gilas Women 3x3 team

MANILA, Philippines — Bagama’t bigong makuha ang tinatarget na gold medal ay makasaysayan din ang pagkopo ng Gilas Pilipinas Women 3x3 team sa silver medal sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ito kasi ang kauna-unahang medalya ng bansa sa Asiad 3x3 basketball competition na opisyal na isinama sa kalendaryo ng quadrennial event noong 2018 edition sa Jakarta-Palembang, Indonesia.
Natalo sina Kacey Dela Rosa, Kennan Ka, Amyah Espanol at Maria Pasilang ng Gilas Women kina Sakura Horiuchi, Haruka Yamamoto, Yuki Hirashita at Fatoumanana Nishi ng host Japan, 11-21, sa kanilang gold medal match sa Kinjo Futo Station Square.
Umiskor si Dela Rosa ng anim na puntos para banderahan ang Pinay half-court team na unang tinalo ang Thailand, 13-8, sa semifinals.
Nirapido naman ng mga Japanese ang Korea, 19-8, sa isa pang semis showdown.
Samantala, minalas ang Gilas Men 3x3 team nina Nic Cabanero, Koji Buenaflor, Luis Pablo at David Dungo na makuha ang bronze medal nang matalo sa Iran, 10-21.
Wala ring medalyang nasikwat ang Gilas Pilipinas Men at Women 5x5 teams sa kanilang mga kampanya sa Aichi-Nagoya Asiad.
- Latest





















