Bangkay ng babae sa ref, kinilala ng ama

MANILA, Philippines — May pagkakakilanlan na ang Philippine National Police (PNP) sa isang babaeng natagpuang patay na isinilid sa refrigerator sa isang apartment sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Allen Rae Co, positibong kinilala ang biktima ng kanyang ama na personal na nagtungo sa pulisya dala ang ID nito.
Sa paunang forensic findings, may marka sa leeg at pinaniniwalaang sinakal gamit ang tali ang pagpatay sa biktima na walang nakitang saksak sa katawan.
Itinakda na rin ang pagsasailalim sa DNA test sa labi ng biktima matapos may lumutang ang umano’y ama ng biktima sa Valencia Memorial Homes.
Huling nakita ang babae na kasama ang isang lalaki na sinasabing kanyang live-in partner na itinuturing na person of interest na patuloy na hinahanap ng mga otoridad.
Hindi pa pinal na natutukoy ang motibo, pero ayon sa kuwento ng kaanak na ang biktima ay may dalang malaking pera.
Magugunita na ang bangkay ng biktima ay nadiskubre dahil sa masangsang na amoy na nanggagaling sa inupahang apartment nito.
Ayon naman kay Police Lt. Col Arwyn Gaffud, naging misteryoso pa ang pagkakakilanlan ng biktima dahil sa iba’t ibang identification na nakuha, kabilang ang ipinakita sa may-ari ng apartment na IDs umano, subalit sa beripikasyon sa mga ahensya ng gobyerno ay walang tumugma.
- Latest




















