Generals sumuko sa Altas
MANILA, Philippines — Sinuwag ng University of Perpetual Help System DALTA ang unang panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament matapos gibain ang Emilio Aguinaldo College, 83-72, kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Bumalikwas ang Altas mula sa naunang 77-84 kabiguan sa Letran Knights para ilista ang 1-1 baraha sa Group B.
Talo kaagad ang Ge-nerals sa kanilang unang laro.
Kumolekta si Gelo Gelsano ng 17 points at 10 rebounds para pamunuan ang Perpetual, habang may 16, tig-15 at 11 markers sina LA Casinillo, Mark Gojo Cruz, JM Tulabut at Rey Maglupay, ayon sa pagkakasunod.
“Thankful kami na kung ano iyong tina-trabaho namin sa practice, nagawa namin sa crunch time,” ani Gojo Cruz. “Thankful kami na nanalo kami pero sana tuluy-tuloy pa kasi mahaba pa itong season.”
Binanderahan ni EJ Castillo ang EAC sa kanyang 19 points kasunod ang 17 markers ni Harvae Raymundo.
Naging dikitan ang bakbakan mula first hanggang third period bago nakalayo ang Altas sa 79-67 sa 3:14 minuto ng fourth quarter mula sa isang 17-6 atake para kumpletuhin ang kanilang bounce back win.
Sa ikalawang laro, pinabagsak ng College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines University, 98-82.
Sinolo ng Blazers ang liderato sa Group A bitbit ang 2-0 kartada kasama ang naunang 77-68 pagdaig sa nagdedepensang San Beda Red Lions.
Bigo ang Pirates sa una nilang salang sa torneo.
Kumolekta si Matthew Jucom ng 17 points at anim na rebounds para banderahan ang Season 100 champions.
- Latest
















