Yulo target makatuklas ng bagong talent

MANILA, Philippines — Puntirya ni world champion Carlos Yulo na makadiskubre ng bagong talento para maging isang wrold class athlete. Malayo na ang narating ni Yulo matapos makasungkit ng dalawang gintong medalya sa Olympic Games sa Paris, France noong 2024.
Nakasikwat pa ito ng ilang gintong medalya sa mga World Championships, Asian Championships at Southeast Asian Games.
Kaya naman maraming tumitingala kay Yulo na nagsisilbing inspirasyon partikular na sa mga kabataang atleta.
Alam ni Yulo hindi pang-habang buhay ang pagiging atleta. At sa oras na matapos na ang kanyang karera bilang atleta, nais ni Yulo na maging coach para maibahagi ang kanyang kaalaman sa mga batang gymnasts.
Target ni Yulo na makahubog ng isang batang atleta na posibleng maging matagumpay na tulad niya.
Mga simpleng pangarap ng ilang kabataan na nais nitong matupad nang tulad nang nangyari sa kanya.
Isa nang sports icon si Yulo na may magandang estado sa buhay. Bumubuo na ng sariling gym si Yulo na magsisilbing tahanan ng mga future world-class athletes.
Ngunit hindi lang isang gym ang target ni Yulo. Plano nitong makapagpatayo ng gym sa iba’t ibang panig ng bansa para mas maging malawak ang sakop ng kanyang proyekto.
Sa ngayon, sesentro muna ang atensiyon ni Yulo sa kampanya nito sa 2026 Asian Games na idaraos sa Nagoya, Japan kung saan pakay nitong makasungkit ng ginto.
- Latest



















