Tamayo pahinga ng 6 weeks
MANILA, Philippines — Wagi ang Gilas sa 2 home games nito subalit naging kapalit ay ang injury ng pambatong wingman na si Carl Tamayo sa pagtatapos ng krusyal na Window 4 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nagtamo ng Grade 2 ankle sprain si Tamayo ayon sa official diagnosis at hindi makakalaro ng hanggang sa 6 na linggo.
“I’m sure his team from Korea is not really happy. But you know, those things happen,” ani Cone matapos ang 68-56 panalo ng Nationals kontra sa Iran na wala si Tamayo.
Isa si Tamayo sa best players ng Gilas kontra sa Jordan noong nakaraang Biyernes bago ang masamang landing ng kanyang kaliwang sakong sa third quarter.
Umiskor siya ng 8 puntos sa 1st half kabilang na ang maliyab na tres sa dulo ng 2nd quarter upang matapyas ng Gilas ang 18-puntos na deficit sa 39-44 sa halftime.
Ayon kay Cone ay sinubukan pang tingnan ng Gilas kung aabot si Tamayo kontra sa Iran subalit malubha pa rin ang pamamaga ng kanyang sakong kaya hindi na pinilit pa.
Pumalit sa kanya si Justin Arana subalit hindi rin nagamit ni Cone sa krusyal na duwelo bagama’t nananatiling kasama sa koponang ipapadala naman sa Asian Games.
Sa kabutihang palad, may mahabang panahon si Tamayo upang makapagpagaling bago ang kampanya ng mother team na Changwon LG Sakers sa Korean Basketball League sa Oktubre at Window 5 ng Gilas sa Nobyembre.
“He’s young and he’ll recover from it easily,” ani Cone.
Dahil sa kontribusyon ni Tamayo, umangat ang Gilas sa 4-4 sa Group E ng Asian Qualifiers para mapanatiling buhay sa pag-asang makapasok sa ikaapat na sunod na FIBA World Cup sa susunod na taon sa Qatar.
- Latest





















