Nocum bumida sa Elasto Painters

MANILA, Philippines — Isinalpak ni Adrian Nocum ang go-ahead basket upang akayin sa 98-97 panalo ang Rain or Shine kontra sa Magnolia sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumipa ng career-high na 31 puntos si Nocum tampok ang pampanalong lay-up sa huling 5.1 segundo habang sablay ang game-winner sana ni KJ Buffen para sa Magnolia.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng Elasto Painters upang masolo ang segunda puwesto sa Group B sa 3-2 kartada sa likod lang ng lider na Phoenix (4-1) sa pagtatapos ng 1st round.
Nagdagdag pa ng 9 rebounds, 4 assists at 2 steals si Nocum para trangkuhan ang atake ng Elasto Painters na nakakuha rin ng 15 at 12 puntos mula kina Vince Cuajao at Luis Villegas, ayon sa pagkakasunod.
Solido ang presensya sa ilalim ng import na si Aaron Fuller na humakot ng 14 puntos at 12 rebounds na double-double sahog pa ang 2 rebounds at 2 steals kabilang na ang pampanalong depensa kay Buffen sa buzzer.
“Maganda ‘yung laban. Magandang experience para sa mga bata at natututo sila sa mahigpitang laban. Napakahalagang experience para sa amin ‘nun. Bad start lang kami kasi masama ‘yung depensa namin sa 1st 2 games kaya sa last 3 games naipanalo namin, inayos lang naman namin ‘yung depensa,” ani head coach Yeng Guiao.
“Mahirap ‘yung grupo namin kasi lahat may chance pumasok. Bawat panalo, importante so sana bago ‘yung long vacation (para sa FIBA), maka-5 wins kami at least. ‘Yun ang hinahabol namin,” dagdag pa ni Guiao.
Bagama’t nakasakay sa 2 sunod na panalo, semplang ang Elasto Painters sa maalat na 11-23 simula subait mabilis na nakabawi upang itabla ang duwelo sa 56 sa halftime.
Wala nang preno-preno para sa ROS buhat doon nang makapagtayo ng 71-60 bentahe bago pigilan ang huling bira ng Hotshots matapos ang and-one basket ni Ian Sangalang para sa 97-96 bentahe sa huling 24 segundo.
- Latest
















