Dingdong, nagpasalamat kay Coco

Magkatapat ang programa, magkatuwang naman para sa industriya.
Iyun ang pinatunayan nina Dingdong Dantes at Coco Martin nang magkasama sila noong Linggo para sa pagtitipon ng grupong AKTOR-League of Filipino Actors na kung saan founding chairman si Dingdong.
Magkatapat ang timeslot ng Master Cutter ni Dingdong sa GMA 7, GTV, Heart of Asia, at I Heart Movies, at ang Coco Martin’s Sigabo na napapanood naman sa TV 5, AllTV, A2Z, at Kapamilya Channel.
Ipinost ni Marian Rivera noong Linggo sa kanyang Facebook account ang tatlong litrato nina Dingdong at Coco na ang nasa caption ay; “Si Atoy at Si Gabo para sa AKTOR - League of Filipino Actors.”
Atoy ang pangalan ng karakter ni Dingdong sa The Master Cutter, samantalang Gabo naman ang pangalan ng karakter ni Coco sa Coco Martin’s Sigabo.
Nag-post din si Dingdong ng dalawang pictures nila ni Coco sa Instagram. May isa pang kuha na kasama nina Coco at Dingdong sina Ricci Chan, Marian Rivera, Iza Calzado, at Joel Saracho.
Sabi nito sa kanyang IG post, “Magkaiba man ang programa, iisa lang ang layunin: pagmamahal at pagpapalakas ng ating industriya.
“Isang magandang Sunday meeting, may kasamang masayang kwentuhan at makabuluhang palitan ng mga ideya, para pag-usapan ang isa na namang proyektong ilulunsad ng AKTOR sa ilalim ng pamumuno ng ating kapwa AKTOR member na si Coco Martin. Soon.
“Para sa AKTOR. Para sa mga aktor. Para sa industriya.”
Nag-post din ang official Facebook page na Real Coco Martin ng pictures nila ni Dingdong.
Sabi naman sa post na iyun; “Sobra ang respeto ko sa taong ito. Maraming salamat, Kuya Dingdong Dantes, sa walang sawang pagmamahal at dedikasyon mo sa ating industriya.
“Isa kang inspirasyon sa maraming tao dahil sa sipag, at malasakit. Hindi lang talento ang ipinapakita mo, kundi tunay na puso para sa industriyang mahal nating lahat.
“Nandito lang ako sa likod mo at buong puso ang suporta ko sa lahat ng iyong ginagawa lalo na para sa AKTOR - League of Filipino Actors.”
Ani Dingdong; “Iyung kanyang pagsali ay months in the making at naging posible iyon dahil kay Ma’am Charo (Santos) noong nag-meet kami sa bahay niya. “At diniscuss namin kung ano ba yung goal, ano ba yung vision ng AKTOR. At pasok na pasok din yun sa mga gusto niyang gawin para sa mga gusto rin niyang tulungan.
“Very, very active si Coco lalo na pagdating sa pagtulong sa mga nakakatrabaho niya, alam naman natin iyan. So we thought of a program na siya rin iyung nakaisip. Inisip namin na suportahan iyong program na iyon. Ilo-launch namin iyan very soon.”
Nagpasalamat naman si Iza sa pagsali ni Coco sa kanilang samahan.
Pamangkin ni Ara, may problema sa ama
Sa August 2 na ang patimpalak na Mr. Philippines 2026 na gaganapin sa Palacio de Maynila sa may Roxas Boulevard. Tatlong titles ang paglalabanan nang mahigit 50 official candidates. Ang Mr. Philippines Grand International, Mr. Philippines Model International, at Mr. Philippines World Quest.
Nagkaroon ito ng press presentation noong July 12 at ang ilan sa napag-usapan sa showbiz ay itong si Nate Reyes na ni-represent ang San Juan City.
Si Nate ay pamangkin ni Ara Mina ay naging bahagi siya noon ng Starkada ng Net 25. Si Ara ang nagpasok sa kanya roon, at tumatayo na ring manager nito.
Kapatid ni Ara ang ama ni Nate, pero may kinikimkim palang sama ng loob sa kanyang ama.
Hindi na maalala ng 20-year old na binata kung kailan pa raw sila huling nagkita. Lumaki siya sa kanyang ina at sa pamilya nito na walang naiambag ang kanyang ama.
“Hindi ko rin po alam bakit ginawa yun ng father ko. Kasi, eversince nung ipinanganak ako ng mother ko, wala po siya sa Philippines. Sa Dubai po siya,” pakli ni Nate.
Umiiling lang siya nang tinanong namin kung gumagawa ba ng paraan ang kanyang ama na magkita sila o makipag-communicate sa kanya.
Ang bumabawi raw sa mga pagkukulang kanyang ama ay ang mga kapatid nito na sina Ara at Cristine.
“Sina Tita po, okay po sila…ahhh maalagain po sila.
“Sila po ang (bumabawi),” tugon ni Nate.
Ayaw naman daw niyang magtanim pa ng galit. Pero aminado siyang hindi pa mawawala ang tampo niya sa kanyang ama.
“Ginagamit ko siya as motivation para ipagpatuloy yung buhay ko,” sabi nito.
Ang kanyang ina lang daw ang nagtataguyod para matapos niya ang kanyang pag-aaral. Kaya sumali raw siya rito sa Mr. Philippines, para kahit paano ay makatulong sa kanyang ina.
Gusto rin daw niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aartista.
“Siyempre, financially we’re not stable. Kaya ako sumali, mag-showbiz para makatulong sa Mommy ko,” sabi pa ni Nate.
Hiningan si Nate ng mensahe para sa kanyang ama. Matagal siyang nag-isip bago siya magsalita.
Aniya; “Ang puwede kong sabihin sa kanya?
“ I don’t need you. Growing up kasi, he’s not present. So, I don’t need him.”
- Latest























