Hudson delikado sa Converge
MANILA, Philippines — Ito na ang huling pagkakataon ni balik-import Jalen Hudson para magpakitang-gilas sa Converge.
Sa 105-103 pagtakas ng FiberXers laban sa Terrafirma Dyip noong Miyerkules ay umiskor lamang si Hudson ng dalawang puntos sa loob ng 29 minutong paglalaro.
“Maybe ‘yung import namin ngayon hindi makuha ‘yung rhythm niya for this game,” paliwanag ni coach Delta Pineda sa dating import ng nagdedepensang TNT Tropang 5G. “Iyon ang wala sa amin right now, ‘yung scoring ng import for this game.”
Tumipa ang 30-anyos na si Hudson ng mga averages na 33.8 points, 9.3 rebounds at 4.1 assists sa kanyang six-game stint sa TNT noong 2023.
Target ang ikatlong sunod na panalo, lalabanan ng Converge ang guest team Macau ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang laro ng Blackwater at Magnolia sa alas-7:30 ng gabi sa PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium.
Sakaling manalo sa Giant Pandas ay sososyo ang FiberXers sa NLEX Road Warriors sa liderato sa Group A.
“Same thing, we have to prepare. In this kind of league hindi naman po tayo puwedeng magtiwala,” ani Pineda na muling aasa kina Hudson, Justin Arana, Juan Gomez de Liano, Justine Baltazar at Mikey Williams para sa Converge.
Samantala, kinuha ng Meralco si balik-import Antonio Hester para palitan si injured Jordon Varnado na hindi nakalaro sa kanilang 97-98 talo sa Phoenix sa Group B.
Dinala naman ng Rain or Shine si two-way guard Gian Mamuyac at kanilang second round pick sa PBA Season 53 sa Phoenix kapalit ng isang first-round draft pick sa parehong season.
- Latest




















