VP Sara aide: ‘Prepare for Typhoon Inday!’

MANILA, Philippines — “Prepare for Typhoon Inday.”
Ito ang maikling pahayag na binitawan ni Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte matapos ang kanyang pagbisita at pakikipag-usap kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., nitong Huwebes at hindi na sinagot ang mga tanong ng media at dumiretso na siya sa sasakyan.
Bagama’t isang bagyong pinangalanang “Inday” ang kasalukuyang mino-monitor sa loob ng Philippine Area of Responsibility ay tinatawag din ng pangalawang pangulo ng pangalang “Inday” ng kanyang mga tagasuporta.
Nauna nang hiniling ng House prosecutors sa impeachment trial na ipa-subpoena si Lopez kaugnay sa umano’y naging banta ni Duterte na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Sinabi ni Bantug na tumatayo ring impeachment clerk of court na binisita siya ni Lopez sa isang “open-door meeting” para lamang sa mga administrative at logistic matters kaugnay sa paglilitis.
Ipinaalam umano ni Bantug kay Lopez na hindi ito maaaring magdala ng sariling media team sa session hall dahil maging ang request ng House of Representatives o prosekusyon ay hindi pinagbigyan.
Pero agad ding nilinaw ni Bantug na wala namang request ang tanggapan ng OVP na magkaroon ng sariling media team sa loob ng session hall.
Idinagdag ni Bantug na wala namang problema sa pag-access sa mismong building ng Senado at sa mga media holding areas.
Ayon pa kay Bantug, nagtungo si Lopez sa Senado hindi dahil sa subpoena sa kanya kundi dahil sa trabaho nito bilang chief of staff ni Duterte.
- Latest


















