Dengue cases bumaba ng 56% -- DOH

MANILA, Philippines — Bumaba ng 56% ang mga kaso ng dengue sa bansa sa buwan ng Enero hanggang Mayo ngayong taon, kumpara sa naitalang mga kaso sa parehong panahon noong 2025, ayon sa Department of Health (DOH).
Naitala ang 50,727 kaso ng dengue sa unang limang buwan ng taon na mahigit sa kalahati ang ibinaba ang bilang mula sa 114,308 na naitala sa kaparehong mga buwan ng nakalipas na taon.
Naniniwala ang DOH na malaking tulong sa pagbaba ng mga kaso ang paglilinis ng mga komunidad na “4Ts” o “Taob, Taktak, Tuyo, at Takip,” para mawalan ng pinamumugaran at pinangingitlogan ang mga lamok.
Kabilang din para makaiwas ang pagsusuot ng mahaba tulad ng pantalon, long sleeves, medyas at sapatos, at paggamit ng kulambo at mosquito repellent.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na agad na magpakonsulta sakaling makaramdam ng mga sintomas na mataas na lagnat, rash, nausea, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pananakit ng katawan at mata, at pagdurugo ng ilong.
Una nang nagpaalala ang DOH na ngayong tag-ulan, na ingatan ang sarili laban sa “W.I.L.D” diseases o waterborne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue.
- Latest





















