Gin Kings balik sa Finals

MANILA, Philippines — Hindi na sinayang ng Barangay Ginebra ang pagkakataon.
Sinandigan ng Gin Kings sina resident import Justin Brownlee at RJ Abarrientos para sibakin ang Rain or Shine Elasto Painters, 118-107, sa Game Six ng kanilang semifinal series papasok sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tinapos ng Ginebra sa 4-2 ang kanilang best-of-seven semis showdown ng Rain or Shine sa harap ng 11,351 fans para sumampa sa ika-32 finals appearance target ang pang-16 korona.
Lalabanan ng Gin Kings sa best-of-seven championship series ang mananaig sa semis duel ng nagdedepensang TNT Tropang 5G at Meralco Bolts na naglalaro pa habang isinusulat ito kagabi.
Bigo ang Elasto Painters na makahirit ng ‘winner-take-all’ Game Seven.
“They really came out with a lot of determination and a lot of desire tonight, and it paid off and we’re in the Finals,” ani coach Tim Cone kina Brownlee at Abarrientos.
Kumolekta si Brownlee ng 31 points, 15 rebounds, 5 assists at 2 steals para sa Ginebra, habang naglista si Abarrientos ng 30 markers, 7 assists, 6 boards at 3 steals.
Nagdagdag si Scottie Thompson ng 16 points at may 11 markers si Ralph Cu na pumukol ng tatlong three-point shots laban sa Rain or Shine.
Kumawala ang Gin Kings sa second period para kunin ang 60-45 halftime lead na kanilang pinalaki sa 62-45 matapos ang basket ni Thompson sa pagsisimula ng third period.
Humataw ang Elasto Painters ng isang 17-2 atake sa likod nina Gian Mamuyac at Jhonard Clarito para dumikit sa 62-64 sa 8:20 minuto nito.
Muling nakalayo ang Ginebra sa pagsasara ng nasabing yugto, 93-85 na hindi na nila binitiwan.
- Latest






















