2 bus nagbanggaan: 67 pasahero sugatan
MANILA, Philippines — Animnapu’t pitong pasahero ang iniulat na nasugatan makaraang aksidenteng magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus sa kahabaan ng Marcos Highway, Brgy. Taloy Sur, Tuba, Benguet nitong Sabado ng gabi.
Sa report ng Benguet Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng lokal na pulisya, nangyari ang sakuna dakong alas-8:35 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang bumabagtas ang isang bus ng Victory Liner na may body number 2025 sa paibabang bahagi ng nasabing highway galing Baguio City nang biglang magloko ang preno ng sasakyan.
Bunsod nito ay nabigo ang driver na kontrolin ang manibela kung saan nakabanggaan nito ang kasalubong na bus na paakyat naman sa nasabing highway patungong Baguio City.
Ang dalawang bus ay kapwa mula sa Victory Liner bus company kung saan sa lakas ng pagkakabangga ay nasugatan ang kanilang 67 pasahero.
Mabilis namang nagresponde ang rescue team ng Tuba Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, mga tauhan ng pulisya, Philippine Red Cross at Bureau of Fire Protection (BFP) para maisugod sa pagamutan ang mga sugatang biktima.
Nasa 52 pasahero ang dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center habang 15 pa ang ginagamot sa La Union Medical Center.
Nasa mahigit 80 katao ang lulan ng dalawang bus nang mangyari ang banggaan.
- Latest




















