‘Cardinal Chito: K-Pope!’

Cardinal Chito: K-Pope! Not Korean but OK and Kababayan! In the picture is my wife Eileen with Cardinal Chito at the Christ The King Parish Greenmeadows. Akalaing sa aking kabataan at kamalayan inabot ko kauna-unahang Filipino Cardinal, Cardinal Rufino J. Santos! At ngayon mas matanda pa ako kay Cardinal Chito! Ngek!

Nung November 11 ay nag-empake na

Ng mga dadalhin at sa Dubai papunta,

At kinabukasan na lipad ng barkada,

Hinihintay na lang ang ticket ko at visa!

Nang bigla bang si Eileen na aking asawa,

Pinaalala sa akin na maligo na

At sa Christ The King Church kami raw ay pupunta

Ngek! I said, “Mag-MISA ka, I’ll wait for my VISA!”

Yun pala gusto lamang nyang samahan ko sya

Na pakinggan ating Archbishop of Manila,

Cardinal Chito Tagle at wala nang iba,

Recollection talk ba ng Kanyang Eminensya!

Sapagkat ang Christ The King na aming parokya,

Ipinagdiriwang apatnapung taon Nya!

Akalaing magkasabay pa pala sila

Ng Eat Bulaga! Ang mahal naming programa!

Sa sarili ko lang ako ay nagbiro pa

Na pag recollection kaya may koleksyon pa?!

Ngek! Hindi ko na nahintay ang aking visa

At mas mabisa kay misis na impluwensya!

The whole table talk este, Tagle talk ay kwela

Dahil si Cardinal pala’y nakakatawa!

Laging nakangiti’t magaling mag-istorya

At higit sa lahat ay… wow malinawag sya!

Tumpak ang inyong nabasa — malinawag sya!

Malinaw at maliwanag ang bawat buka

Ng kanyang bibig kaya nga makikinig ka!

Sa aming linya yan ay napakahalaga!

At sa puntong yun ay napatunayan ko ba

Na kaya pala ang ating Papa sa Roma,

Sa paboritong ganap ay isa na siya

Dahil sa taglay nitong kaibang charisma!

Ang linyang “Christ The King” ay ibinahagi nya

Ang kahulugan nito at ayon sa kanya,

Ang kahalagahan nito at kaluluwa,

Lahat sinabi nya inayuna’t kinuha!

Pagkatapos ito palang aking asawa,

Isang table fan este, Tagle fan kumbaga!

Paglapit namin ako nama’y nakilala,

“You Chito, me Starzan!” Sasabihin ko sana!

Bakit nga ba hindi pagkat sya’y kakaiba!

Napakasimple’t waring isa mong barkada!

Ayon sa kanya ako’y kanyang binabasa!

Sa tuwa ko hinalikan ko ang kamay nya!

At laking gulat ko sapagkat kapagdaka,

Wow! Sa kamay ko naman ay nagmano siya!

Sa sandaling yun sa isip ko’y pumasok na —

The First Pinoy Pope ay akin nang nakilala!

Alam kong sa Ang Poet N’yo sya’y mas bata pa

Kaya Google agad sa eksaktong edad nya,

Akalaing si Jako na anak ko pala

Ay June 21 pareho ang birthday nila!

At nang tingnan ko iba pang tungkol sa kanya,

Medyo na-excite at nagulo rin ang mata

Pagkat sa “Created Cardinal” aking basa,

Nalintika’t lumabo’t naging cremated na!

 

Show comments