Ngek! ‘Wag nang magtaka kung bakit ‘yan titulo!
Tungkol pa rin ito nung ako’y mag-Camino,
Eh kasi naman everyday after ng walk ko,
Bagsak! Tulog agad! Wala nang kwento-kwento!
Pwede rin namang DOG-TIRED pagdating sa dulo
Kasi bawat paggalaw para kaming ASO!
Paghiga, pagtayo… alalay mga buto!
At puro “AW, AW, AW, AW!” ang maririnig mo!
Nakita na nun ilang lugar sa trip na ‘to —
Nagsimba na sa Santiago noong nag-barko,
Sa Pamplona naki-Running with the Toro!
Dumaang Zaragoza going sa tatay ko!
Tatay kong si Pepe may family number two!
Doon sa Madrid, utol ko dito ay WALO!
Dinalaw ko nun mula Lourdes nagmaneho,
Naligaw pa nga sa Pyrenees ‘yan ang kwento!
Bagsak ay Zaragoza tanda ko’y mabato!
Pero nun ‘yun ngayo’y wala na si Pepito!
No more Pepe… PILAR na ang binisita ko!
Our Lady of the Pillar sa may Ilog Ebro!
Ilang nadagdag pa ngayon na mga bago —
Torreciudad at pinagmulan ng lahi ko —
LEON! Pero pwera yabang nagulat ako!
May Catedral de Leon pala kami dito!
Tatay ko’y “SEOANE” sa ina apelyido,
Pagdating Galicia dalawa na-engkwentro!
Kaya napatunayan ko rin na totoo
Na may dugo rin ako na isang GALLEGO!
Buti na lang at may “LLE” na gumitna dito!
‘Di naman masama kung dalawa lang dulo —
‘Yung una at huli lang na mga silabo
Ay lahi ng toro na matigas ang ulo!
Sarria namin sinimulan ang Camino,
And the rest… is NO REST nang halos isang linggo!
Ang matindi pa’t ipinagmamalaki ko —
Ginawa ko ngayong ako ay SEVENTY-TWO!
Nagulat kayo ‘no? Sa nagawa o age ko?
Eh ako nga rin nagugulat sa totoo!
Hu, hu, hu… parang kelan lang seventeen ako!
‘Wag kayong mag-alala… TATANDA RIN KAYO!
Tama sinabi ni Father Jim Achacoso,
“Bodily exhausted but spiritually uplifted!”
Sira tuloy syllable count and rhyme ko dito!
But oks lang, ituloy na natin ang kwento!
Seafoods sikat sa bahagi ng Spain na ito,
Lalo sa PULPO — ‘yung may galamay na walo!
At dahil araw-araw nagmimisa grupo,
Joke ko nga — “Iba tayo… from PULPIT to PULPO!”
Sa paella nga dito LOBSTER na kulay BLUE!
Sa pandalawang tao mga Forty Euro!
SCALLOPS sikat din dahil “badge” ni San Tiago!
KAIN… LAKAD… Vamos a comer y Camino!
At sa mga nagbabalak at nagpaplano,
Sige humayo kayo mga peregrino!
Kaibang BLISS at BLESSING makukuha dito,
TUNGKOL GOD ito! Don’t forget ang TUNGKOD ninyo!
At dinnertime may ceremonial toast pa grupo,
“Arriba… Abajo… Al centro… then… Pa’dentro!
Imbes wine, Coke tinitira ng Ang Poet N’yo
At may dagdag ako sa dulo ng, “ARAY KO!”
At syanga pala nais ko rin na mag-thank you
Sa dalawang paring nakilala ko dito —
Fathers Noy Oliveros and Manny Domingo —
Mga tunay na beterano ng Camino!
Isang b’wan na la’t araw na naman ng Pasko!
Tulad Tatlong Hari sila ay nag-CAMEL ‘NO!
‘Yung aking Camino handog ko na’t regalo
Para kay Baby Jesus… HAPPY BIRTHDAY TO YOU!