‘FILIPINASTIG’

One week and two days na lang at Happy Birthday na

Ulit sa Eat, Bulaga! at thirty-four na s’ya!

Sa July 30, four years at tatlong dekada,

Anak ng tatlumpu’t apat na puting tupa!

 

Eh para kasing nag-stem cell ang Bulaga,

Eh kasi nag-NAYN, nag-SEBEN at nag-TUPA nga!

Ngek! He, he, he… pero sikreto meron kaya

Kung bakit nga s’ya na ang pinakamahaba?

 

Siguro’y may mga suspetsa at hinuha,

Subalit kahit ano’ng isipin ay wala,

Dahil kaya may EAT? S’yempre kung walang chicha,

Gutom! Nganga! Bigla ka na lang bubulagta!

 

Biro mo may BULALO pa at may NILAGA,

Sa pangalan pa lang ay mabubusog na nga,

Maaaring sa title pa la’y pinagpala,

Op kors, hangga’t may bata may “Ittt… Bulaga!”

 

Kaya may importansya ang pagpapangalan

At dahil d’yay may lumang isyung babalikan

Nang ang Maynila ay “Gates of Hell” nabansagan

Sa “Inferno” na sinulat ni Mr. Dan Brown.

 

Kung ako tatanungin iba’t-iba punto,

Iba aking pananaw; iba katwiran ko —

Bahala s’yang isulat ang kahit  na ano

At desisyon mo rin s’yang i-pu_ _ _ _  _ _ _ mo!

 

Pun intended, that was a hell of a jab below!

O, gets n’yo ba? Meron nang hell, meron pang diablo!

So sakay na lang… asar-pikon talo you know,

Kung Pearly Gates sila, Luciferly Gates kayo!

 

At sa gitna ng ganyang mga bagay-bagay,

Iba lumalabas sa ulo ko na sungay,

Ngek! Ang ibig kong sabihin ay mga kulay,

Walang Brown, ‘yun lamang buhay na buhay!

 

Mga bagong ideya para sa ‘ting bayan

Nang nasabing kontrobersya’y ating labanan

Sa pamamagitan ng isa pang binyagan,

Parang TV show lang ‘yan… palitan pangalan!

 

Kung ako masusunod sabay na bandera,

Alisin na dibisyon sa LuzViMinda,

Mga stars at pa-istar sa ‘tiy marami na,

Isang ARAW sa gitna na lang makikita.

 

Nung nasa Japan kami’t nag-show three weeks ago,

Bandera ng Hapon tinitingnan-tingnan ko,

Simpleng-simple talaga’t maganda simbolo —

Makapangyarihang Haring Araw lang ito.

 

‘Di tulad sa Hapon background natin ang pula,

Puti ang araw nakasisilaw talaga!

At gawin pa nga natin na mas malaki pa

Nang lagi tayong gising at nag-iinit s’ya!

 

Naniniwala akong ang Araw talaga

Ang Dios at Maykapal din at wala nang iba,

Ramdam mo lamang at sa ‘yoy dumarating S’ya

At pag sa Kanya’y nagpunta ka…t’yak patay ka!

 

Pagpahingahin na pangalang Pilipinas,

Palitan ng isang may bagsik at may angas,

Pangit nga tawag sa ‘tin kapag sino-short cut,

‘Di maganda Pinas lang, ngek! Tunog tinodas!

 

Pero teka, ano ‘tong bagong kontrobersya?

First letter of our country’s name magiging “F” na!

Hindi kaya dahil sa atin marami pa

Pinagpapalit “P” at “F” pag-fronounce nila!

 

Ibig sabihin eh ngayon lang n’yo napuna

Ang inyong kafalfakan ayon sa historia?

Kung ‘di ba nama’y Felipe Dos nga kinuha

Eh ba’t sa spelling ng Kano n’yo hinulma?

 

Eh sino’ng Foncio Filato nakialam pa?

Daming fafalitan, anak ng fruit salad ha!

Eh paano na mangyayari dun sa kanta?

“Ako’y isang Finoy… sa fuso’t diwa…” na s’ya!

 

Anak ng potato chips sa pulang de lata!

Felipe naging Pilipi! Naging yosi pa!

Dinagdagan pa ng “ines”…inis talaga!

O sige, Filipinas kung Filipinas na!

 

 Kaya lang pangalan n’yay ating pahabain,

Dagdagan sa dulo, orig ay ‘wag limutin,

Isang bagong pangalan tiyak na may dating,

Gusto ko FILIPINASTIG! ‘Yan ang sa akin!

 

At papalit sa “Pinas” syempre ay ASTIG na

At tonong hamunan wala na’t maiiba,

Kaya kung may magtanong sa ‘yo kung astig ka,

Ang sagot ay, “Tulad mo, tayo ay iisa!”

 

Astig ka, Astig ako, Astig tayong lahat!

No more “Pinoy Pride,” “Astigmatism” na sikat!

Wala nang giliwan, matikas na’t matigas

Habang winawasiwas ang ating watawat!

 

At sa nagtatanong dagdag na tatlong letra,

Syempre may mga ibig sabihin din sila —

Terrific Island Group, Tuwa’t Ibayong Ganda!

T.I.G., pwede ring “The Infernal Gates” pala!

 

Ngek! at tuluyan na natin ang panunukso

At nang lubusan nang magkademo-demonyo,

Drop the halo or letter “O” of the word “Hello”

To be “Hell Filipinastig!” Welcome po kayo!

 

Show comments