^

Dr. Love

Inaapurang umalis sa paupahan

Dear Dr. Love - Pilipino Star Ngayon

Dear Dr. Love,

Ako po si Jeff. Sumulat po ako dahil pinapaalis na kami ng may-ari ng inuupahan namin. Isang buwan lang po ang binigay niya dahil titirhan na raw ng anak niya.

Araw-araw po akong naghahanap ng malilipatan pero ang hirap. Ang mahal na ng upa ngayon. ‘Yung mura naman, masyadong maliit o binaba-hang lugar. May maliit pa po akong anak kaya hindi ako basta-basta makakuha ng kahit ano. Pagod at takot na po ako. Paano kung dumating na ‘yung araw ng alis namin pero wala pa kaming nahanap?

Ano po ba ang dapat kong gawin, Dr. Love?

Jeff

 

Dear Jeff,

Naiintindihan ko ang bigat ng pinagdadaanan mo. Normal lang na kabahan dahil pamilya mo ang nakataya. Pero huwag kang bibigay.

Una, makiusap ka ulit sa may-ari. Kausapin mo nang mahinahon at personal. Humingi ka ng dagdag na palugit, kahit isa o dalawang buwan pa. Sabihin mong magbabayad ka pa rin nang maayos. Kapag pumayag siya, ipasulat mo para malinaw.

Pangalawa, huwag puro Facebook ang hanap. Minsan nasa karatula lang ang murang paupahan. Magtanong ka sa barangay, sa palengke, sa tricycle driver, at sa simbahan. Mas maraming alam ang mga tao kaysa sa online.

Pangatlo, kung namimilit na siya, dumaan kayo sa barangay. Hindi para makipag-away, kundi para mamagitan. May karapatan kang bigyan ng sapat na oras para makahanap.

At huli, kausapin mo ang pamilya mo. Sabihin mong lilipas din ito. Ang tahanan ay hindi lang bahay, kundi kung saan kayo magkakasama.

Manalig ka. May awa ang Diyos at may nakalaan pang mas maayos na lilipatan para sa inyo.

DR. LOVE

DR. LOVE

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with