Sinagot na nang nililigawan
Dear Dr. Love,
Ako po si Joseph, 22 years old, from Manila.
Dr. Love, sinagot na po ako kahapon! ‘Yung nililigawan ko nang halos 8 buwan, sa wakas ay sumagot na ng oo. Sobrang saya ko po, para akong nanalo sa lotto nung sinabi niya ‘yun.
Pero kasabay ng saya, may kaba. First serious relationship ko po kasi ito. Sanay po akong manligaw, pero hindi ko alam kung paano maging mabuting boyfriend.
Paano ko po ba hahawakan ng tama ang relasyon namin? Ayokong masakal siya sa sobrang excited ko, pero ayoko ring magkulang.
Sana po mapayuhan ninyo ako.
Joseph
Dear Joseph,
Congratulations! Naramdaman ko ang kilig mo hanggang dito. At ‘yung kaba mo? Normal ‘yan. Ibig sabihin pinapahalagahan mo ang relasyon ninyo, at magandang senyales ‘yan. Ang payo ko, taglayin mo ang tatlong bagay: Una, huwag kang magbago. Kung paano ka nung nanliligaw ka— ma-effort, magalang, maalaga — ganun ka pa rin dapat ngayon. Diyan nasusukat ang tunay na lalaki.
Panglawa, matutong kang makipag-usap. Huwag manghula. Kung may tampo, tanungin. Kung may problema, pag-usapan nang mahinahon. Ang komunikasyon ang puso ng relasyon. At pangatlo, tiyakin na laging may espasyo. Mahal ninyo ang isa’t isa, pero kailangan n’yo pa rin ng sariling oras para sa pamilya, barkada at pangarap. Ang pagmamahal hindi panali, suporta ‘yan.
Huwag mong madaliin, Joseph. I-enjoy ninyo muna ang simula — ‘yung simpleng date, tawanan, at holding hands. Hindi kailangang perpekto agad, basta totoo at may respeto, tatagal ‘yan. Proud ako sa’yo. Alagaan mo siya.
DR. LOVE
- Latest






















