Nabuntis ang girlfriend
Dear Dr. Love,
Nabuntis ko po ang girlfriend ko na mula sa angkan ng mayayaman. Graduating students po kami pareho sa kolehiyo. Ang gusto ng mga magulang niya ay pakasalan ko na agad ang kanilang anak, habang hindi pa raw halata ang tiyan ng girlfriend ko.
Hindi naman ako tumatangging panagutan siya, pero ang totoo ay ayaw ko pang mag-asawa. Namimilit ang mga magulang niya dahil malalagay raw sa kahihiyan ang kanilang pamil-ya. Kahit daw sila na ang sasagot sa handaan sa kasal.
Hindi pa ako handa, pero hindi ko rin tatakbuhan ang responsibilidad ko. Bigla lang akong nanlumo sa sitwasyon na matatali agad ako sa kasal kahit hindi pa ako handa. Ano po ba ang dapat kong gawin?
Luca
Dear Luca,
Ang bigat ng pinagdadaanan mo ay bunga ng desisyon na kailangang panindigan. Tandaan mo na ang pagiging ama ay hindi puwedeng ipagpaliban.
Kung hindi pa kaya ng loob mo ang kasal, ipaliwanag mo nang maayos sa iyong girlfriend at sa kanyang pamilya ang iyong plano. Mahalaga ang bukas na komunikasyon para maintindihan nila kung saan ka nanggagaling.
Huwag mong iiwan sa ere ang girlfriend mo. Katulad mo, maaaring hindi rin siya ganap na handa, pero wala siyang pagpipi-lian kundi harapin ang pagiging ina.
Ang kasal ay hindi lang sagot sa kahihiyan, kundi panghabambuhay na obligasyon.
Kung darating man ang tamang oras, mas magiging matibay ang pagsasama ninyo kung pareho kayong handa.
Sa ngayon, ang pinakamahalaga ay ang suporta, pag-aaruga, at paninindigan mo sa responsibilidad bilang ama.
Dr. Love
- Latest




















