PBA on Tour didribol ngayon
MANILA, Philippines — Aarangkada ngayon ang PBA on Tour bilang pansamantalang aksyon ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa kasagsagan ng nalalapit na Achi-Nagoya Asian Games, kung saan sasalang ang all-PBA Gilas Pilipinas team.
Unang sultada ang NLEX at Blackwater sa alas-4 ng hapon sa San Jose Del Monte Sports Complex sa Bulacan na wala ang kanilang mga pambatong sina Robert Bolick at Sedrick Barefield, ayon sa pagkakasunod.
Bahagi ng Gilas team ni head coach Tim Cone sina Bolick at Barefield na nasa Nagoya na para sa pinal na preparasyon nila matapos ang Hana Bank Invitational sa South Korea at bago sila sumalang sa Asiad kontra sa Bahrain, Kazakstan at China sa Group C simula sa Setyembre 11.
Bagama’t wala si Bolick, paborito pa rin ang lider na NLEX kontra sa Blackwater tampok ang bagong import na si Deone Burton para sa misyong maging handa sa pagbabalik ng PBA sa Oktubre 7.
Ito ang unang salang ni Burton para sa Road Warriors bilang kapalit ni DeQuan Jones na nagtamo ng masaklap na leg injuries bago ang 2 buwang break ng PBA bilang suporta sa national team sa Asian Games.
Inilunsad ni Commissioner Willie Marcial ang PBA on Tour upang ‘di matengga ang mga koponan habang nasa matagal na break tampok ang iba pang laro sa Isabela, Batangas at Ilocos.
Talk ‘N Text at Rain or Shine ang huling sasabak sa PBA on Tour sa Setyember 26 sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
- Latest

















