Lulong sa scatter ang ina
Dear Dr. Love,
Isang seaman ang tatay ko, ngunit wala kaming naipon dahil lulong sa sugal ang nanay ko.
Madalas siyang nagtatago sa mga nanini-ngil ng kanyang mga utang, lalo na’t palagi siyang talo sa pagsusugal.
Ngayon, nadagdagan pa ng online scatter games ang kanyang bisyo. Kahit nasa bahay lang siya gamit ang cellphone, nauubos pa rin ang perang pinaghihirapan ng tatay ko.
Dahil dito, hindi kami makabayad ng tuition fees at napilitan kaming mag-enroll sa public school.
Pangarap kong magtuloy ng kursong medisina upang maging doktor balang araw, ngunit tila pangarap na lamang iyon. May mga araw na wala kaming pagkain sa bahay.
Wala ring magawa ang tatay ko kundi ang malungkot, habang patuloy na nagiging magulo ang relasyon nila ni nanay.
Kailan kaya magbabagong buhay ang nanay ko?
Aki
Dear Aki,
Masakit at mabigat ang sitwasyon ng inyong pamilya. Ang pagkakalulong ng nanay mo sa sugal ay hindi lamang problema sa pera, kundi isa ring uri ng pagkaadik na nangangailangan ng tulong at paggabay.
Maaari mong kausapin ang tatay mo na pansamantalang ikaw muna ang humawak ng perang ipinapadala niya, upang masiguro na may napupuntahan ang pinaghihirapan niya.
Subukan mo ring hikayatin ang iyong mga magulang na magpatingin o magpa-rehab si nanay. Hindi ito madaling proseso, ngunit malaking hakbang ito para sa pagbabago.
Hindi mo kontrolado ang desisyon ng nanay mo, ngunit may magagawa ka upang protektahan ang kinabukasan mo at ng iyong mga kapatid.
Ang pangarap mong maging doktor ay hindi kailangang tuluyang mabaon. Maaari kang magsimula sa public school, maghanap ng scholarship, at unti-unting ipaglaban ang pangarap mo.
Dr. Love
- Latest




















