Dilema ni Misis Tipid

Dear Dr. Love,

Tawagin nyo na lang po akong “Misis Tipid.” Problema ko po ang mister ko na mukhang balak nang magbukas ng shoe store at watch boutique sa kwarto namin!

Nagtatrabaho naman po kaming dalawa at sapat ang kita. Ang problema, si mister ay may bagong hobby—ang bumili ng branded sneakers at mamahaling relo bilang “reward” daw sa pagod niya. Wala naman sanang problema kung reaso-nable ang agwat ng panahon ng pagbili. Ang nangyayari kasi linggo-linggo na lang ang reward! Mas marami pa ang dumadating na package kaysa sa blessings.

Ang hirit niya, “pera ko naman ‘to at nakakapag-abot naman ako sa bahay.” Pero Dr. Love, imbes na napupunta sa emergency fund ang sobra naming pera, napupunta lang sa cabinet. Paano ko maipapaintindi sa asawa ko na hindi ko gustong patayin ang saya niya, pero ayoko namang sapatos at relo ang ulam namin kapag nagkagipitan?

Misis Tipid

Dear Misis Tipid,

Mahirap talaga kapag ang mister mo ay mukhang timekeeper at runner sa rami ng relo at sapatos, pero pagdating sa emergency fund ay nakatigil ang oras!

Para hindi mag-walkout si mister habang ginagawan nyo ng paraan ‘yan, subukan nyo mag-set ng “fun money”.

Huwag ipagbawal ang luho para ‘di magrebelde. Mag-set ng fixed budget matapos mailagay ang pondo sa bills + ipon.

Kung bitin ang fun money niya para sa bagong sapatos, mag-ipon siya mula sa sarili niyang allowance!

Ang pag-aasawa ay partnership.

Kausapin mo siya nang mahinahon—huwag kung kailan kararating lang ng bagong delivery van sa tapat ng bahay n’yo. Good luck, Misis Tipid!

DR. LOVE

Show comments