DFA naghain ng diplomatic protest vs China na inihalintulad ang Pinoy sa unggoy

MANILA, Philippines — Dahil sa paghahalintulad sa mga Pilipino sa unggoy ng state-owned media ng Tsina na China Daily ay pormal nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa ginawang mapanira at “racist”.
Ang protesta ay bunsod ng serye ng mga op-ed video at editorial cartoon ng nasabing outlet patungkol sa 2016 South China Sea Arbitral Award, partikular na ang isang video na inilabas sa Facebook page nito noong Hulyo 10, 2026.
Unang ipinarating ng Pilipinas ang matinding pagtutol nito nang direktang kausapin ni Foreign Affairs Undersecretary Leo Herrera-Lim si Chinese Ambassador Jing Quan sa isang face-to-face meeting noong Hulyo 16, 2026.
Sa pagpupulong ay mariing hiniling ng DFA ang agarang pagpapatanggal o pagbura sa mga nakapanliliit na materyal.
Ayon kay Undersecretary Herrera-Lim, ang ganitong uri ng usapin ay labag sa kapwa respeto na inaasahan sa pagitan ng mga estado at hindi nakatutulong sa maayos at matatag na pamamahala ng ugnayan ng dalawang bansa.
Bilang karagdagang hakbang, nagpadala rin ng pormal na liham ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa Editor-in-Chief ng China Daily upang ulitin ang demand na tanggalin ang nakakasakit na content.
Muling inihayag ng DFA na nananatili itong bukas sa diyalogo at diplomasya sa pakikipag-ugnayan nito sa Tsina.
- Latest
















