Takot matulad sa ina
Dear Dr. Love,
Ako po si Nicole, 24 years old. May nanliligaw sa akin ngayon—mabait, seryoso, at gusto ko rin sana. Pero tuwing sinusubukan kong magtiwala, bigla akong nate-tense at nauunahan ng takot. Takot akong mag-boyfriend.
Trauma po ang kalaban ko, Dr. Love. Iniwan kami ng tatay ko noong bata pa kami para sa ibang babae. Nakita ko kung paano nadurog ang nanay ko at kung paano siya gabi-gabing umiiyak habang nagpapakapagod itaguyod kami. Dahil doon, nagtayo ako ng pader. Ang laging dikta sa utak ko, “Iiwan ka rin nyan, lahat sila manloloko.”
Ayokong matulad kay mama. Pero alam kong hindi patas na parusahan ko ang nanliligaw sa akin ngayon dahil sa atraso ng tatay ko. Paano ko ba gigibain ang pader na ‘to?
Nicole
Dear Nicole,
Normal lang na matakot na mapaso kung nakita mo nang nasunog ang iba. Pero pa-
kinggan mo ako nang mabuti. Ang kwento ng nanay mo ay hindi mo kwento. At ang atraso ng tatay mo ay hindi utang ng lalaking nagmamahal sa iyo ngayon. Huwag mong gawing taga-bayad ng utang ang walang kasalanan. Kung ga-
gamitin mo ang anino ng tatay mo para husgahan ang lahat ng lalaki, habambuhay kang magiging bilanggo ng nakaraan. Ibang tao ang nanliligaw mo—bigyan mo ng pagkakataong patunayan ang sarili niya. Anak ka ng isang palaban. Nakita mong nadurog ang nanay mo, pero nakita mo rin siyang bumangon, ‘di ba? Dugo ng isang matatag na babae ang nananalaytay sa mga ugat mo. Hindi ka marupok. Kung kaya niyang mag-survive, kaya mo ring lumaban.
Gibain mo ang pader, Nicole. Putulin mo na ang kadena ng kahapon para makahinga ka naman ngayon.
DR. LOVE
- Latest

















