Hinahangad na makasal
Dear Dr. Love
Ako po si Bez. Isa po akong simpleng ina na matagal nang nakikisama sa aking partner. Nabiyayaan kami ng mabubuti at masayahing mga anak. Sa araw-araw naming pagsasama, ramdam ko naman ang pagmamahal at pag-aaruga niya sa amin. Pero habang tumatagal, may bahagi sa puso ko na parang may kulang.
Kapag nakikita ko ang ibang pamilya na sabay nagsisimba bilang mag-asawa, naiisip ko rin sana na maranasan naming humarap sa altar hindi lang bilang mag-partner, kundi bilang tunay na mag-asawa sa mata ng Diyos. Hindi dahil gusto ko ng engrandeng kasal, kundi gusto kong maramdaman ng mga anak namin na buo at may basbas ang aming pamilya.
Minsan naiisip ko, valid pa ba ang nararamdaman ko kahit matagal na kaming nagsasama? Natatakot din ako na baka isipin niyang hindi sapat ang mga taon naming magkasama. Pero para sa akin, iba pa rin ang may basbas ng simbahan at pangakong pinagtibay sa harap ng Diyos.
Dr. Love, mali ba na pangarapin ko pa rin ang kasal sa simbahan para sa mga anak namin at sa aming pamilya?
Bez
Dear Bez,
Hindi mali ang iyong nararamdaman. Sa katunayan, napakaganda ng hangarin mo. Ang kasal ay hindi lang tungkol sa magarbong selebrasyon. Ito ay tungkol sa pangakong pinagtitibay hindi lang sa harap ng tao, kundi maging sa harap ng Diyos.
Ang kagustuhan mong maikasal sa simbahan ay patunay na mahal mo ang iyong pamilya at nais mong mabigyan ng mas matibay na pundasyon ang inyong pagsasama.
Subukan mong kausapin nang mahinahon ang iyong partner. Sabihin mong hindi ito tungkol sa obligasyon kundi tungkol sa pagbuo ng isang alaala at pangakong maipagmamalaki rin ng inyong mga anak balang araw.
“Ang pamilyang may pagmamahal ay buo, ngunit ang pamil-yang may pagmamahal at basbas ng Diyos ay mas lalong tumitibay.”
DR. LOVE
- Latest
















