Buntis na nang makipag-break
Dear Dr. Love,
Akala ko sa pelikula lang nangyayari ‘yung ayaw ng nanay sa girlfriend ng anak niya. Palibhasa ay naging seaman ang anak niya so may future talaga ang boyfriend ko.
Hindi katulad ko na working student pa rin, na isang kahig at isang tuka lang sa kahirapan ang pamilya ko.
Bago sumakay ng barko ang boyfriend ko, sinabihan ako ng nanay niya na iwan ko na raw ang anak niya. Ayaw ko naman mag-away sila dahil lang sa akin.
So, sinunod ko ang nanay niya at nakipag-break ako habang nasa barko siya. Pero hindi ko alam na buntis pala ako.
Ayaw ko naman magmakaawa at manghingi ng sustento dahil tiyak na mas lalong bababa ang tingin sa akin ng nanay niya.
Malaki na ang tiyan ko at sakto pa na manganganak ako pagbalik ng ex- boyfriend ko.
Tama ba ang desisyon ko?
Marivic
Dear Marivic,
Mahirap ang sitwasyon mo, pero kung ang desisyon mo ay itataguyod mo nang mag-isa ang anak mo, maaari naman.
Pero huwag mong kalimutan na may karatapan din ang ex- boyfriend mo na malaman ang totoo. Sa tingin, ang tanging nakakahadang sa’yo ay ang pagtrato sa iyo ng kanyang ina. Pero sa huli, nasa ex-boyfriend mo ang desisyon kung paano ang magiging pagtanggap niya sa ipinagbubuntis mo.
Isipin mo na lang, maitatago mo ba habang buhay ang lihim na siya ang tatay?
Pero paano naman ang karapatan ng anak mo na makilala ang tatay niya at para ma-bigyan siya ng tamang pangalan at sustento na kailangan niya habang lumalaki siya?
Kung minsan alang-alang sa kapakanan ng anak ay kakailanganin talaga na magsakripisyo at maging matatag at matapang ang isang magulang.
Hangad ko na tama ang desisyong mapili mo, para wala kang pagsisihan sa huli.
Dr. Love
- Latest

















