Tutol sa bf na burdado ng tato
Dear Dr. Love,
Ako ko po si Paula (‘di ko po tunay na pangalan). Isa po akong dalaga na in love sa lalaking mabait, responsable at maalaga. Hindi siya mayaman pero marunong siyang rumespeto at magsikap.
Ang problema po, ayaw na ayaw sa kanya ng parents ko dahil marami siyang tattoo. Para sa kanila, mukha raw siyang siga at walang magandang kinabukasan.
Masakit po dahil hindi naman nila nakikita kung paano niya ako tratuhin nang tama. Hindi siya lasinggero, hindi babaero at marunong makisama.
Pakiramdam ko po hinusgahan agad siya dahil lang sa itsura niya.
Mahal ko ang parents ko kaya ayokong sumuway, pero gusto ko rin po ipaglaban ang taong nagpapasaya sa akin.
Dr. Love, paano ko po mapapaintindi sa magulang ko na hindi sukatan ng pagkatao ang dami ng tattoo?
Paula
Dear Paula,
May mga magulang talagang protective, lalo na kung ang unang nakikita ay panlabas na anyo.
Sa panahon nila, kadalasan iniuugnay ang tattoo sa gulo o bisyo kaya natural na mag-alala sila. Pero tama ka rin—hindi porke maraming tattoo ay masama na ang tao.
Ang pinakamagandang gawin ng manliligaw mo ay patunayan ang sarili niya, hindi sa salita kundi sa gawa.
Kapag nakita ng parents mo na responsable siya, magalang at may malinaw na pangarap sa buhay, unti-unti rin mababago ang tingin nila.
Sabihin mo rin sa kanya na minsan hindi sapat ang “mabait ako.” Kailangan din na marunong siyang umintindi sa takot at pag-aalala ng magulang mo.
Respect earns trust.
Tandaan mo, hindi tinta sa balat ang sukatan ng pagkatao, kundi ang marka ng kabutihan sa puso.
DR. LOVE
- Latest

















