In love si ‘Boy Kaba’
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang akong Boy Kaba. May problema ako na kasing tindi ng traffic sa EDSA. May nakilala akong babae—anak siya ng foreigner.
Dr. Love, sa totoo lang, kapag dumaan siya, parang tumitigil ang ikot ng mundo ko, pati yata hininga ko nagha-hang.
Sobrang ganda niya, parang AI-generated sa kakinisan!
Ang problema, tuwing balak ko siyang lapitan, bigla akong dinadaga.
Feeling ko kasi, hamon at itlog lang ako, samantalang siya ay medium-rare ribeye steak. Masyado siyang “out of my league,” ika nga. Dr. Love, may pag-asa ba ang isang gaya ko na ang tanging puhunan lang ay lakas ng loob at pananalig, o hanggang “like” na lang ako sa pictures niya?
Boy Kaba
Dear Boy Kaba,
Huminga ka nang malalim. Unang-una, hindi porket anak ng foreigner at artistahin ang ganda ay kailangan mo nang mag-nosebleed o magtago sa lungga.
Tandaan mo, ang ganda, nakikita sa mata. Pero ang pag-uugali, nararamdaman sa gawa.
Huwag kang ma-intimidate sa “league”. Ang league-league na ’yan, imbento lang ng mga taong takot sumubok.
Foreigner man ang magulang o galing sa ibang planeta, tao pa rin ’yan. Kumakain din ’yan ng kanin (o baka salad), at siguradong naghahanap din ’yan ng tapat na koneksyon.
Confidence is the key, pero huwag mayabang. Hindi mo kailangang maging kasing yaman ni Iron Man.
Maging malinis ka lang sa katawan, maayos kausap, at higit sa lahat, maging totoo ka. Mas nakaka-pogi ang lalaking kampante sa sarili kaysa sa lalaking pilit na nagpapanggap.
Humor ang pambanat. Gamitin mo ’yan! Ang Pinoy humor ay world-class.
Kung mapapatawa mo siya, 50% ng kaba mo, mawawala at 50% ng puso niya, mabubuksan mo.
Be a gentleman. Sa kultura ng mga foreigner, na-a-appreciate nila ang pagiging direct pero respectful.
Huwag kang pa-misteryoso masyado. Ipa-kita mo ang diskarte nating mga Pinoy—iyong may respeto sa pamilya at may malasakit.
Bottomline, kung hindi mo susubukan, 100% ang chance na mabibigo ka.
Pero kung susubukan mo, kahit “out of your league” pa siya, may 50-50 chance ka na. Huwag mong hayaang maunahan ka ng ibang lalaking mas makapal ang mukha pero kulang naman sa sustansya.
Laban lang, Boy Kaba! Malay mo, ikaw pala ang hinahanap niyang “local flavor” sa buhay niya.
DR. LOVE
- Latest
















