Dahil sa pagbabawal, ‘di naging ‘sayang’
Dear Dr. Love,
Tawagin niyo na lang akong Dolly, 22-anyos. Fresh graduate po ako at ito ang pinakamasayang martsa ng buhay ko.
Noong 2nd year college, muntik na akong sumama sa boyfriend ko. Akala ko “forever” na, at tingin ko sa mga magulang ko ay “kontrabida” dahil bawal kaming magkita. Galit na galit ako noon dahil feeling ko hinahadlangan nila ang happiness ko.
Pero dahil sa higpit nila, nakatapos ako. Ngayong hawak ko na ang diploma, napagtanto ko, ang “pagbabawal” pala nila ay hindi para saktan ako, kundi para iligtas ako sa maling desisyon. Salamat sa kanila, hindi ako naging “sayang.”
Dolly
Dear Dolly,
Salute sa’yo! Hindi lang diploma ang nakuha mo, kundi ang maturity na amining tama ang mga magulang mo. Bihira sa kabataan ngayon ang may ganyang klaseng pagpapakumbaba.
Tandaan mo, ang emosyon ay parang karera ’yan—masarap humarurot pero kung walang preno, siguradong salpok. Ang mga magulang mo ang nagsilbing preno mo noong panahong akala mo ay “love” na, pero bugso lang pala. Hindi ka nila pinigilang lumigaya; sinalo ka lang nila para hindi ka mabaon sa pagsisisi.
Huwag nyo agad ituring na kontrabida ang mga magulang ninyo. Ang paghihigpit nila ay hindi “selda,” kundi “bakod” para hindi kayo maligaw. Mas masarap magmahal kapag tapos ka na, may sarili ka nang pera, at hindi ka na umaasa sa baon ga-
ling kina tatay at nanay.
Ngayong graduate ka na, ikaw na ang may hawak ng manibela. Drive safely. Ang tunay na pag-ibig, hindi nagmamadali—darating din ang para sa’yo na ihaharap ka sa altar nang may da-ngal. Keep it up!
DR. LOVE
- Latest






















